Pinas, magaling lumaban sa COVID-19 – UP OCTA

Pinas, magaling lumaban sa COVID-19 – UP OCTA

October 30, 2020 @ 5:25 PM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Sinabi ng isang taga-University of the Philippines OCTA Research Team na magaling ang Pilipinas sa laban sa coronavirus disease-19.

Ayon kay Dr. Nicanor Austriaco, sa nakalipas na ilang buwan, bumaba ang mga kaso ng COVID-19 sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.

Taliwas umano ang nagaganap sa ibang bansa, lalo na sa mga bansang gaya ng Amerika at Europa o gawing hilaga ng mundo na nagkakaroon na ikalawang sigwada ng pandemya.

Magkagayunman, posible naman umanong tataas ang mga kaso dahil na rin sa pagluluwag ng galaw ng mga mamamayan sa buong bansa.

Paliwanag ni Austriaco, habang dumarami ang gumagalaw na tao sa labas ng kanilang mga tahanan, inaasahan din ang paglala ng hawaan ng sakit.

Kabilang sa mga sitwasyong may pagluluwag sa galaw ng tao ang pagbubukas ng ekonomiya ng bansa, lalo na sa National Capital Region.

Dahil sa pagbubukas ng ekonomiya, sinubukang luwagan din ng pamahalaan ang pampublikong transportasyon sa pamamagitan ng pagpapaliit ng distansya ng mga pasahero na kailangang bumiyahe at magtrabaho.

Sa dalawang araw lang umanong pagluluwag sa transportasyon, napatunyan umanong nagkaroon ng masa maraming hawaan ng mga mamamayan.

Gayunman, pinatigil mismo ni Pangulong Rodrito Duterte at pinabalik nito ang isang metrong distansya ng mga pasahero.

Ayon pa kay Austriaco, dahil sa mga pagluluwag, normal umanong darami ang hawaan subalit hindi umano dapat ikatakot ito.

Maganda umanong panatilihin ang dati nang ginagawa gaya ng pagkakaroon ng mga quarantine facility, paghihiwalay ng mga nagpopositibo, pagpapatuloy ng contact tracing at iba pa.

Dapat din umanong laging umisip ang pamahalaan ng mga paraan para palakasin ang laban sa COVID-19. RNT


  •  
  •  
  •  

Loading...