Pinas magdo-donate ng COVID vax sa S. Asian nations –NTF

Pinas magdo-donate ng COVID vax sa S. Asian nations –NTF

March 6, 2022 @ 8:30 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Magdo-donate ang Pilipinas ng COVID-19 vaccines sa mga kalapit-bansa sa Southeast Asia sa gitna ng sobrang suplay sa bansa.

Sa katunayan ani National Task Force (NTF) Against COVID-19 medical adviser Dr. Ted Herbosa ay walang problema sa suplay ang bansa.

At gaya aniya ng sinabi ni NTF chief implementer Carlito Galvez Jr., tinanggihan na ng bansa ang ilang COVID-19 vaccine donations at sa halip ay dinonate ang ilan sa ibang Southeast Asian countries.

“Wala tayong problema sa supply, in fact sabi nga sa akin ni Secretary Galvez nagre-refuse pa sila ng donation at nagdo-donate tayo sa iba nating mga kababayan sa Southeast Asia kasi nga ample ang supply natin sa bakuna,” ayon kay Herbosa.

Sa kabilang dako, nagpatupad na aniya ang mga opisyal ng NTF ng vaccine information drive sa komunidad ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) dahil marami pa rin ang ayaw na mabakunahan dahil sa kanilang paniniwala.

“Yung BARMM ay very special area nga at pinuntuhan natin ‘yon, magkahalo ‘yan problema sa access dahil malalayong lugar ang pinupuntahan nila medyo mabigat sa pamasahe at pangalawa may kumalat kasi ron na paniniwala na ito ay hindi Halal yan ang kinakalaban namin,” ayon kay Herbosa.

Nauna rito, sinabi ni Galvez, vaccine czar din ng bansa na nagpunta siya ng Sumisip, Basilan upang hikayatin ang Muslim communities doon na magpabakuna laban sa COVID-19.

Samantala, hinikayat naman ni Herbosa ang publiko na magpabakuna na laban sa COVID-19 dahil target ng pamahalaan na mabakunahan ang 77 milyong Filipino sa pagtatapos ng Marso at 90 millyon bago pa bumaba sa puwesto si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Hunyo 30. Kris Jose