Pinas mamamahagi ng 3M COVID-19 vax sa mga karatig-bansa – NTF adviser

Pinas mamamahagi ng 3M COVID-19 vax sa mga karatig-bansa – NTF adviser

May 13, 2022 @ 1:30 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Inanunsyo ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 nitong Biyernes na naghahanda na ang Pilipinas na mag-donate ng halos 3 milyong COVID-19 vaccines sa ibang bansa.

Sinabi ni NTF special adviser Ted Herbosa na nauna na niyang ipaalam na ibibigay ang Sputnik V vaccines sa mga bansa sa Association of Southeast Asian Nations.

“I think Laos Cambodia, Myanmar ang mga target countries to receive it kasi kulang sila ng vaccine. Myanmar, I think, specifically for Sputnik,” pahayag niya sa Laging Handa briefing.

“And then may na mention din na African countries that want them. So ‘yun ang current situation. I’m sure kung meron pang pwedeng i-donate, ido-donate natin,” patuloy ni Herbosa.

Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire noong Abril na nakikiapg-ugnayan na ang pamahalaan sa Myanmar at Papua New Guinea upang ayusin ang donasyon.

Samantala, inilahad ni Herbosa na halos 1 milyong doses ng AstraZeneca vaccines mula sa COVAX facility ang mapapaso na sa ilang rehiyon.

“Pero ito ay pinangako ng COVAX na papalitan nila. So hinihintay lang natin ‘yung replacement noon because there were donations naman,” aniya.

“Naka distribute ‘yan sa ibat ibang region na, no. So ang shelflife naman nila, after dumating sila from donation by COVAX, dini-distribute yan from our national warehouse to the different regions,” patuloy niya. RNT/SA