PINAS, MASWERTE PA RIN SA MGA MASAKER?

PINAS, MASWERTE PA RIN SA MGA MASAKER?

January 31, 2023 @ 2:35 AM 2 months ago


MATAGAL-TAGAL na ring walang masaker sa Pinas at masasabi nating maswerte-swerte tayo.

Tingnan ninyo, sa South Africa, may walong minasaker ng dalawang tao sa gitna ng birthday party.

Naganap ang masaker gamit ang baril sa Gqeberha, Eastern Cape Province kamakalawa.

Kasama sa mga napatay ang may-ari ng bahay.

Walang pang naaresto at nag-iimbestiga pa ang mga pulis.

Inaalam pa ang motibo rito.

SA CALIFORNIA, UNITES STATES

Dalawang magkasunod na massacre ang naganap dito, kamakailan lang.

Unang pinagpapatay sa baril ang 11 tao sa isang dancing club na dinarayo karamihan ng mga senior citizen, na karamiha’y Asyano.

Si Huu Can Tran, 72, ang gumawa ng krimen na nagbaril din sa sarili nang makorner siya ng mga pulis habang tumatakas.

Mga tsismosa na nagmamarites habang nakatalikod siya ang sinasabing dahilan ng pagpatay niya sa mga tao sa dance studio.

Kasama sa mga nahagip ng bala at nasawi ang Pinoy na si Valentino Alvero na isa ring senior citizen.

Sa Halfmoon Bay, 7 katao naman ang minasaker sa magkahiwalay na mushroom farm ng isa ring Asyano.

Si Zhao Chunli, 66, na isang Chinese, ang pumatay sa kanyang superbisor  at isang obrero makaraang pagbayarin siya ng $100 para sa nasirang bahagi ng buldoser at forklift.

Dalawa pang obrero ang pinagbabaril niya sa lugar at lumipat sa isa pang malapit na farm na roon niya isinagawa ang pamamaril din sa tatlo katao at namatay rin.

MATINDI SA MEXICO DAHIL SA DROGA

Maya’t maya, may mga masaker o patayan na marami ang namamatay sa bansang Mexico.

Simula noong 2006 na ginamit na ang militar ng gobyerno laban sa mga drug cartel, meron nang 340,000 namamatay at 100,000 missing.

Kasama sa mga pinapatay ang nasa 50 pari.

Sa bahagi ng mediamen, may 43 na namatay simula Disyembre 2018 hanggang Hulyo 2021 at iba pa ang 16 na pinatay nitong 2022.

Nitong unang linggo ng Enero, nahuli ng mga pwersa ng pamahalaan ang bosing ng Sinaloa cartel na si Ovidio Guzman.

Ngunit bago siya nahuli sa magdamag na labanan, pito katao ang namatay, kasama ang ilang sundalo, 21 ang nasugatan, dalawang eroplano ang natamaan ng bala at 250 sasakyan ang sinunog.

GIYERANG RUSSIA-UKRAINE

Pinakamatindi ang patayan sa giyera sa Ukraine at Russia.

Maaaring titindi ang giyera kapag dumating na ang mga malalakas na armas galing sa Amerika at Europa na kakampi ng Ukraine gaya ng mga makabong tangke de giyera, na may kasamang mga drone, missile at iba pa.

May 200,000 namamatay nang mga sundalo ng magkabilang panig at libo-libo na rin ang napapatay sa sibilyan sa halos isang taong nang giyera.

Kapag may naghuramentado gamit ang nuclear bomb o mambomba sa mga plantang nukleyar, gaano karami ang mamamatay?