Pinas may 3,520 bagong COVID cases; PinasLakas activities kanselado sa bagyo

Pinas may 3,520 bagong COVID cases; PinasLakas activities kanselado sa bagyo

September 26, 2022 @ 7:28 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nakapagtala ang Department of Health (DOH) nitong Linggo ng 3,520 bagong kaso ng COVID-19, kaya tumaas ang kabuuang bilang ng kaso sa buong bansa sa 3,938,203.

Ang kabuuan nitong Linggo ay ang pinakamataas sa loob ng anim na araw kung saan tatlong araw na sunod-sunod na mahigit 2,000 bagong impeksyon.

Batay sa pinakahuling datos ng DOH, ang aktibong kaso ng bansa ay tumaas sa 35,399 mula sa 32,323 noong Sabado.

Ito ang ikatlong sunod na araw na may higit sa 30,000 aktibong impeksyon.

Gayundin, ang bilang ng mga nakarekober ay umakyat sa 3,840,041 habang ang bilang ng mga nasawi ay tumaas ng 31 hanggang 62,790.

Ayon sa DOH, ang mga rehiyon na may pinakamaraming kaso sa nakalipas na dalawang linggo ay ang National Capital Region na may 13,808 na sinundan ng Calabarzon na may 5,054, at Central Luzon na may 2,804.

Sinabi ng Health Department na hindi bababa sa 16,093 indibidwal ang nasuri, habang 327 testing lab ang nagsumite ng data noong Setyembre 24.

Sinabi nito na ang bed occupancy sa bansa ay 26%, na may 7,425 na kama ang okupado, habang 21,130 ang bakante.

Samantala, inanunsyo ng DOH na kanselado ang lahat ng nakatakdang paglulunsad ng aktibidad ng Bakunahan Bayan sa National Capital Region at buong Luzon ngayong Lunes.

Ayon kay DOH-OIC Maria Rosario Vergeire, ang pagpapaliban sa naturang aktibidad ay dahil sa masamang panahong dulot ng Super Typhoon Karding.

“We will be cancelling all pinaslakas activities in all affected areas tomorrow. We will post here official memo later,” ayon kay Vergeire.

Nakatakda sanang dumalo sa Bakunahang Bayan si Vergeire sa Trece Martires, Cavite ngayong araw subalit hindi muna itutuloy dahil sa bagyong Karding.

Samantala, tuloy naman ang trabaho sa DOH habang hinihintay ang opisyal na announcement mula sa Office of the President.

Sakali namang suspendihin ang trabaho ay tuloy pa rin ang serbisyo ng DOH na may kinalaman sa paghahatid at pagtugon sa mga emergency services. Jocelyn Tabangcura-Domenden