Pinas ‘minimal risk’ na sa COVID

Pinas ‘minimal risk’ na sa COVID

December 6, 2021 @ 2:24 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Patuloy na bumubuti ang sitwasyon ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa, batay sa ulat ng Department of Health nitong Lunes na nasa ilalim na ng minimal risk case classification ang Pilipinas.

Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na mas mababa na sa 1 ang average daily attack rate mula Nobyembre 22 hanggang Disyembre 5, na nangangahulugang mula sa low risk ay bumaba pa sa minimal risk ang bansa.

“Nationally we remain at minimal risk case classification with a negative two-week growth rate at -57% and a low-risk average daily attack rate at 0.67 cases for every 100,000 individuals,” pahayag niya sa isang media briefing.

13 naman sa 17 rehiyon ang nasa ilalim ng parehong klasipikasyon, dagdag niya.

Tanging Metro Manila, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, at Zamboanga Peninsula na lamang ang natitira sa low risk case classification, na mas mataas ng isa kumpara sa minimal risk status.

Nas 1.80% porsyento naman ang positivity rate ng bansa, kung saan ang Metro Manila na may 1.1 porsyento ang pinakamababa. Tumutukoy ito sa porsyento ng lahat ng sumailalim sa COVID-19 test na nag-positibo.

Ibinalita rin ng opisyal na mas mababa na sa 50 porsyento ang paggamit sa kapasidad ng health systems sa bansa.

Nakapagtala ng 2,834,775 COVID-19 cases sa Pilipinas nitong Linggo, kung saan 13,853 ay mga aktibong kaso habang nasa 49,386 ang nasawi. RNT/SA