Pinas minimal-risk pa rin sa COVID; pero 8 rehiyon may COVID-sirit

Pinas minimal-risk pa rin sa COVID; pero 8 rehiyon may COVID-sirit

May 11, 2022 @ 8:21 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nasa minimal-risk classification pa rin sa COVID-19 ang Pilipinas habang patuloy na bumababa ang araw-araw na bilang ng mga kaso, ayon sa Department of Health (DOH).

“Kung titingnan natin ang national data, bumababa pa rin po ang ating mga cases. Nationally, 1,115 new cases lamang ang ating naitala o 159 new cases per day mula Mayo 3 hanggang May 9,” ani DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang press briefing noong Martes, Mayo 10.

“Mas mababa na po ito ng 95 cases o 37 percent lower than the 254 cases per day na naitala natin noong Dec. 18 to 24, 2021 bago ang ating Omicron experience,” dagdag niya.

Ang healthcare utilization rate ng bansa ay nananatiling nasa low-risk classification, dagdag pa ni Vergeire.

“Ang national admission rates ay naka plateau na may pagbababa ay kasalukuyang nasa 16 percent utilization rate, habang ang ating total ICU bed utilization ay naka plateau rin at 17 percent utilization,” giit pa ng opisyal.

Gayunpaman, napansin ng DOH ang bahagyang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Cagayan Valley, Mimaropa, Bicol, Central Visayas, Eastern Visayas, Ilocos region, Central Luzon, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

“Ganunpaman, ang mga pagtaas ay hindi pa rin nagta-translate sa higher average daily attack rates at pinaka-importante hindi nag-translate sa mas maraming admission sa ating ospital,” paliwanag pa ni Vergeire. RNT