Pinas muling tatanggap ng trabaho para sa OFWs sa KSA sa Nobyembre 7

Pinas muling tatanggap ng trabaho para sa OFWs sa KSA sa Nobyembre 7

November 5, 2022 @ 12:24 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) na wala nang kaso ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Saudi Arabia na uuwi sa Pilipinas nang hindi nakuha ang kanilang mga sweldo.

Sinabi ni DMW Secretary Susan Ople sa isang press conference nitong Biyernes na ang Pilipinas at Saudi Arabia ay pumirma ng mga kasunduan upang tiyakin ang kapakanan ng mga OFW.

Sa gitna ito ng pagpapatuloy ng deployment ng mga manggagawa sa Middle East sa Nobyembre 7.

Ayon kay Ople, ipagpapatuloy ng Philippine Overseas Labor Offices (POLO) sa Riyadh, Jeddah at Al-Khobar ang pagtanggap ng mga job offers para sa mga Filipino skilled workers na gustong magtrabaho sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA) simula sa nabanggit na petsa

Pagtitiyak ng kalihim, hindi na mauulit na uuwing walang sweldo ang mga OFW.

“Hindi tayo basta lang magbubukas ng Saudi deployment na walang malinaw at matibay na pundasyon para sa proteksyon ng ating mga manggagawa,” sabi ni Ople.

Noong 2016, humigit-kumulang 9,000 OFW mula sa Saudi Arabia ang pinauwi ng pamahalaan matapos silang hindi pasahurin ng kanilang mga employer.

Sa tulong ng mga abogado ng estado, nanalo ang mga OFW sa kaso ngunit hindi pa sila nababayaran matapos na hindi tumalima ang gobyerno ng Saudi sa pangako nilang magbayad ng P4.6 bilyong halaga ng suweldo ng mga OFWs.

Matatandaan na sinuspinde ng Department of Labor and Employment ang deployment sa Saudi noong 2021 dahil sa mga ulat ng mga pang-aabuso at hindi nababayarang sahod.

Sinabi naman ni DMW Undersecretary Patricia Yvonne Caunan na kabilang sa mga labor reform measures na pinagsama-samang pinagtibay ng Pilipinas at Saudi Arabia ay:

  • Employment contract na may insurance coverage para sa mga domestic worker at skilled worker na sumasaklaw sa hindi nabayarang suweldo, airfare, at refund ng mga gastos sa recruitment kung sakaling may hindi natapos na mga kontrata, at iba pang contingencies. Sasagutin ng gobyerno ng Saudi ang halaga ng insurance para sa mga skilled worker habang ang mga employer sa Saudi ay may mandato na magbayad para sa insurance coverage ng mga Filipino domestic worker.

  • Pre-termination clause sa kontrata na partikular na magpapahintulot sa isang domestic worker na lumipat o magpalit ng mga employer bago matapos ang kontrata batay sa ilang mga dahilan, tulad ng hindi pagbabayad ng suweldo at mga kaso ng pang-aabuso/maltreatment.

  • Adoption ng joint alternative dispute settlement mechanism na magbibigay daan para sa isang mas malinaw, patas, at mapayapa na pag-aayos ng mga hindi pagkakaunawaan sa trabaho.

  • Pagsasama ng kontrata at pagpapatupad ng Wage Protection Program, na magre-regulate at magtitiyak ng napapanahong pagbabayad ng sahod sa lahat ng OFW.

  • Direktang referral ng mga kaso na kinasasangkutan ng trafficking at pagsasamantala ng mga OFW sa MHRSD sa pamamagitan ng anti-human trafficking department nito.

Dagdag pa ni Ople, magkakaroon ng welfare desk offices (WEDO) sa lahat ng Saudi recruitment agencies.

“Lahat ng Saudi recruitment agencies ay kailangang mag-hire ng sarili nilang WEDO. Kung wala silang welfare officer, wala silang job order,” sabi ni Ople.

Magkakaroon din ang DMW at ang gobyerno ng Saudi ng mga blacklist at whitelist na kategorya para sa mga recruitment agencies at employer.

Kasama sa blacklist ang mga mapang-abusong employer at ahensya habang nasa whitelist naman ang mga sumusunod sa mga patakaran at pagtrato ng maayos sa mga manggagawa.

Ang mga biktima ng human trafficking ay tutulungan ng Saudi government base sa referrals mula sa DMW.

Gagawin ang pagbabayad sa pamamagitan ng mga digital o electronic method o pamamaraan na na maging kongkretong ebidensya kung ang sweldo ay naantala o hindi tama. Jocelyn Tabangcura-Domenden