Pinas naghain ng 193 note verbale vs Tsina ngayong 2022

Pinas naghain ng 193 note verbale vs Tsina ngayong 2022

December 19, 2022 @ 3:20 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- May kabuuang bilang na 193 note verbale ang inihain ng Pilipinas laban sa China ngayong taon.

Tinatayang 65 sa nasabing bilang ay inihain sa panahon ng administrasyong Marcos.

“For 2022- 193 NVs were sent of which 65 NVs were during this adminstration (PBBM),” Department of Foreign Affairs (DFA) spokesperson Teresita Daza.

Disyembre 12 nang maghain ng diplomatic protest ang Pilipinas sa illegal actions ng Chinese Coast Guard noong Nobyembre 20, 2022, may kinalaman dito ang rocket debris retrieval operations ng Philippine Navy.

Ani Daza, ang protest note na may petsang Disyembre 12 ay ipinadala sa Chinese Embassy kasunod ng note verbale na inanunsyo noong Nobyembre 24 na humihingi ng paglilinaw mula sa Tsina ukol sa nasabing insidente.

Nauna rito, pinagtibay ng Senado ang isang resolusyon na nagpapahayag ng pagkadismaya sa pambu-bully ng China sa Pilipinas.

Ito’y matapos ipakita ni Senator Francis Tolentino ang video ng insidente noong Nobyembre sa West Philippine Sea kung saan pinutol ng Chinese Coast Guard ang lubid na panghila ng Philippine Navy sa natagpuang “rocket debris.”

Co-author ang lahat ng mga senador sa in-adopt na “unnumbered resolution.”

Kabilang sa mga nagpahayag ng pagkadismaya at galit ay sina Senate President Juan Miguel Zubiri, Senate President Pro-Tempore Loren Legarda, at Senator Ronald “Bato” dela Rosa.

Ayon kay Senate President Zubiri na sobrang dismayado ang mga senador sa partikular na insidente ng pambubully ng mga Chinese sa mga Pilipino.

Wika ni Senator Legarda, bawal ang bully sa mundo at nais niyang marinig ng China ang malinaw na mensaheng ito.

Tinuran naman naman ni Dela Rosa na kung nakikinig man ang China ay nais niyang iparating na galit na ang mga mambabatas at punong-puno na sa mga pinaggagawa nito sa bansa. Kris Jose