Pinas nakapagtala ng 279 bagong COVID cases

Pinas nakapagtala ng 279 bagong COVID cases

January 16, 2023 @ 7:00 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Pumalo na sa 4,070,287 ang total caseload sa buong bansa dahil sa karagdagang 279 na bagong kaso ng COVID-19.

Ito na ang pangalawang sunod na araw na mas mababa sa 400 kaso na naitala na may 368 bagong impeksyon noong Sabado.

Batay sa pinakahuling datos ng DOH, bumaba ang active cases sa bansa sa 12,143 mula sa 12,473 noong Sabado.

Ito ang ikatlong magkakasunod na araw na wala pang 12,500 active cases ang naitala.

Umabot naman sa 3,992,554 ang bilang ng mga nakarekober habang 15,590 ang nasawi.

Ayon sa DOH, ang mga rehiyon na may pinakamaraming kaso sa nakalipas na dalawang linggo ay ang National Capital Region na may 1,761 na sinundan ng Calabarzon na may 895 at Central Luzon na may 458.

Dagdag pa na hindi bababa sa 8,879 na mga indibidwal ang nasuri, habang 305 na mga testing labs ang nagsumite ng data noong Enero 14.

Sinabi rin ng DOH na 19.6% ang bed occupancy sa bansa, kung saan 5,291 beds ang okupado, habang 21,654 ang bakante. Jocelyn Tabangcura-Domenden