Pinas nananatiling ‘low risk’ sa COVID-19

Pinas nananatiling ‘low risk’ sa COVID-19

July 2, 2022 @ 10:30 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nananatiling nasa low risk ang bansa sa COVID-19 kahit na ang 88% ng mga lalawigan, highly urbanized na lungsod, at mga independent component cities o ICCs ay nagpakita ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19, ayon sa Department of Health (DOH).

Ayon sa DOH, ang weekly positivity rate ay umakyat sa 6%,  lumampas sa 5% benchmark ng World Health Organization, habang ang positivity rate ng National Capital Region ay naitala sa 8.2%

Samantala, sinabi ng DOH na ang Calabarzon, Mimaropa, at Western Visayas ay nakapagtala rin ng positivity rates na mas mataas sa o katumbas ng 5.

Ang positivity rate ay tumutukoy sa porsyento ng mga taong napag-alamang positibo para sa COVID-19 sa kabuuang bilang ng mga indibidwal na nasuri.

“Most areas show a sharp increase in cases with NCR reaching almost 450 cases daily. Mindanao showed a slight uptick mid-June 2022 but currently shows signs of plateau with 50 cases per day,” ayon sa DOH.

Sinabi rin ng DOH na ang NCR at iba pang rehiyon ay nananatiling nasa low risk case classification na mas mababa sa 1 kada 100,000 average daily attack rate sa kabila ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.

Samantala, ang kabuuang paggamit ng kama at mga rate ng paggamit ng ICU ay nananatiling nasa mababang panganib sa 19% at 15%, ayon sa pagkakabanggit.

Ayon sa DOH, 10.62% ng kabuuang COVID-19 admission ang bumubuo sa malala at kritikal na kaso.

Na-flag din ng DOH ang 89 na lugar sa labas ng NCR na nagpakita ng pagtaas ng mga kaso, kung saan 57 sa mga ito ay nagpakita ng positibong one-week at two-week growth rate.

Nasa 32 mga natitirang lugar ang may positive one-week growth rate o two-week growth rate kabilang ang Lucena City, Bohol, at Tawi-Tawi sa moderate hanggang critical risk healthcare utilization,ayon sa DOH. Jocelyn Tabangcura-Domenden