Pinas nananatiling low risk sa COVID

Pinas nananatiling low risk sa COVID

June 7, 2022 @ 7:30 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nanatiling nasa low risk para sa COVID-19 ang Pilipinas ayon sa Department of Health (DOH) bagamat may nakitang bahagyang pagtaas ng kaso sa nagdaang dalawang linggo.

Sa media briefing sinabi ni Health Usec Maria Rosario Vergeire na ang average daily attack rate o ADAR sa bansa ay nanatiling mababa sa 1, na maituturing na low risk.

Gayunman, sinabi nito na ang positivity rate ay bahagya ding tumaas sa 1.1% kumpara sa nakalipas na linggo.

Samantala, sinabi ng opisyal na ang National Capital Region (NCR) plus areas at ilang bahagi ng Luzon ay nakapagtala rin ng mababang pagtaas ng kaso sa kalagitnaan ng Mayo.

“Pero mapapansin na nitong kasalukuyan, unti-unti namang bumaba ang mga kasong ito sa plus areas atsaka sa rest of Luzon,” sabi ni Vergeire.

Aniya ang mga kaso ay nag-plateau sa Visayas at Mindanao.

“Bagama’t nakakakita tayo ng pagtaas ng mga kaso sa ilang bahagi ng bansa, ang NCR at iba pang island groups ay nanatiling mayroon lang less than 100 cases since early April of 2022,” dagdag pa niya.

Nanawagan naman si Vergeire na isabuhay ang minimum public health standards at magpabakuna na para maiwasan ang malawakang  transmission at mutation ng virus.

Aniya, mahigit kalahati ng national admissions ay mild at asymptomatic COVID-19 cases habang ang malubha at critical admissions ay bumaba mula 679 hanggang 599 ngayong linggo.

Sinabi niya na ang national healthcare utilization sa kalusugan ay nananatiling nasa low risk sa 14.67% hanggang 17.76% sa lahat ng mga rehiyon.

Samantala, mahigit 69.5 milyong Pilipino o 77% ng target na populasyon ang ganap na nabakunahan laban sa COVID-19.

Lumabas din sa datos na 9.4 milyong kabataan na may edad 12 hanggang 17 ang ganap na nabakunahan habang 2.9 milyong menor de edad na may edad 5 hanggang 11 ang ganap na nabakunahan. Jocelyn Tabangcura-Domenden