PINAS NO. 1 NA SA COVID-19; SUMALI LAHAT SA GIYERA

PINAS NO. 1 NA SA COVID-19; SUMALI LAHAT SA GIYERA

August 6, 2020 @ 11:11 AM 2 months ago

  •  
  •  
  •  

Nalagpasan o naoberteyk na ng Pilipinas ang Indonesia sa rami ng may impeksyon sa corona virus disease-19 at tayo na ang nangunguna sa listahan ng 10 miyembro ng Association of Southeast Asian Nations.

Kumamada sa araw na ito ang mahal kong Pinas ng 3,480 habang ang Indonesia ay 1,882 lang kaya naman may kabuuang impeksyon na tayong 119,460 kumpara sa 118,753 ng Indonesia.

Nalamangan na natin ang Indonesia ng 707 may impeksyon ng COVID-19.

Kung magpapatuloy ang bilang ng impeksyon natin sa 3,500 pataas araw-araw at mananatili ang Indonesia sa 2,000 impeksyon araw-araw, mabilis nating mapag-iwanan ang huli at mabilis din nating mahabol ang Iraq na sinusundan natin sa pagkakaroon ng impeksyon na 137,556 lang sa araw na ito.

Ang tanging konswelo natin, mas kakaunti ang namamatay sa atin (2,150 ngayon) dahil nasa doble ang bilang ng mga namamatay na Indonesian sa bilang na 5,521 sa araw ring ito.

LUMAHOK LAHAT SA GIYERA

Ang kauna-unahang panawagan sa lahat sa ating mga Pinoy ay lumahok sa giyera laban sa pandemya dahil sa paglala ng sakit sa ating bansa.

Bawat isa, pamilya, barangay, bayan, lungsod, lalawigan at rehiyon sa atin ay may kanya-kanyang papel laban sa COVID-19.

May kanya-kanyang papel din ang mga pambansang ahensya ng pamahalaan, kasama ang mga pulis, sundalo, doktor, ospital at iba pa, gayundin ang mga nasa pribadong sektor na health worker, pagawaan, transportasyon at iba pa.

Kung iisipin, nasa ilalim ng general community quarantine ang buong bansa maliban lang sa Mega Manila na binubuo ng Metro Manila at mga lalawigan ng Rizal, Cavite, Laguna at Bulacan na nasa ilalim naman ng modified enchanced community quarantine.

Sa mga nasasakupan ng GCQ, maluwag-luwag nang kauntin ang galaw at paghahanapbuhay ng mga tao bagama’t istriktong ipinatutupad ang social distancing, pagsusuot ng face mask sa labas ng bahay at paglabas-labas ng mga taong may edad na lalagpas sa 60-anyos at may edad na 20-anyos pababa.

Pwedeng magtatag o mag-operate ng mga essential na produkto at serbisyo gaya ng medisina, pagkain at panggagamot at maging ng mga tinatawag na non-essential gaya ng barber shop at pagdalo sa mga pagsamba at iba pa.

Sa MECQ, hinigpitan ang transportasyon kaya halos bawal ang lahat ng pampublikong sasakyan at paglilipat-tirahan ng mga tao; nasa 50 porsyento lang ang operasyon ng lahat ng negosyo; bawal ang mga non-essential na produkto at serbisyo at mahigpit na mahigpit sa mga patakaran sa face mask, social distancing paglabas-labas sa tahanan ng mga mamamayan.

Ang paglahok sa giyera ay pagsunod sa lahat ng mga batas at patakaran sa ilalim ng GCQ at MECQ.

MAGSAKRIPISYO, MAGTIIS

Talaga namang nagdudulot ng kahirapan at maaaring kamatayan din ang mga batas at patakaran sa GCQ at MECQ subalit malinaw na malinaw na higit na maghihirap at mamamatay tayo kung hindi tayo susunod at magpatupad ng mga batas at patakaran.

Kaya naman, kung malinaw na malinaw sa atin ang mga batas at patakaran, sumunod o ipatupad natin ang mga ito.

Kung may malabo, madali namang makipag-ugnayan kina kapitan at kagawad para sa ikalilinaw ng lahat.

Ang mahalaga, maitanim natin sa ating isipan na higit ang pagsunod at pagpapatupad sa batas kaysa anomang gusto nating gawin upang makatulong tayo sa pagpigil ng pagkalat ng COVID-19 at pagpapagamot sa mga tinamaan na bagama’t wala pang saktong gamot laban dito.

Siyempre pa, may kasamang pagsasakripisyo at pagtitiis ang lahat subalit higit namang magbubunga ang mga ito ng higit na maganda at may kinabukasan nating kalagayan.

Muli sumunod at ipatupad natin nang sama-sama ang mga batas at patakaran sa giyera natin sa COVID-19.


  •  
  •  
  •  

Loading...