PINAS, PAKISTAN HOSTAGE TAKING PAREHONG TAGUMPAY

PINAS, PAKISTAN HOSTAGE TAKING PAREHONG TAGUMPAY

December 22, 2022 @ 1:45 PM 1 month ago


NAALALA pa ba ninyo ang naganap na hostage taking kay ex-Senator Leila de Lima nitong Oktubre 2022?

Hinostage si De Lima ng grupo nina Feliciano Sulayao Jr., Idang Susukan at Arnel Cabintoy.

Umaga, namimigay ng almusal ang mga pulis sa mga detenido sa detention center ng Camp Crame nang makawala at saksakin nina Susukan at Cabintoy ang namimigay umano ng pagkain na si P/Cpl. Roger Agustin.

Siyempre pa, nagkagulo at nagkaputukan na at tinamaan ni Patrolman Lorenz Matias sina Susukan at Cabintoy na kaagad namatay.

Ito namang si Sulayao, pinuntahan si De Lima sa kulungan nito saka hinostage, at sumunod na rito ang kahilingan ng hostage taker na makasakay siya sa Hummer truck at helikopter na magdadala sa kanyang patutunguhan sa pagtakas mula sa kulungan.

Pero nalansi ni P/BGen. Mark Pespes si Sulayao sa pagdedeliber ng inuming tubig nito kaya’t kanyang sinamantala ang pagkalingat nito bago pinutukan.

Pawang miyebro ng Abu Sayyaf Group at Jemaah Islamiyah ang tatlo na kilalang mga teroristang grupo.

SA PAKISTAN, MATAGUMPAY RIN

Umabot ng 40 oras ang hostage taking ng mga Pakistani Taliban o Tehreek-e-Taliban Pakistan sa Bannu, Pakistan nito lang nagdaang mga araw at hindi tumugot ang mga ito sa alok ng mga nasa pamahalaan na sumurender sila para hindi masaktan.

Isinagawa ang hostage taking ng 33 bilanggong TTP habang nag-interbyu ang mga pulis sa mga bagong huli na miyembro ng TTP.

Nasa 10 pulis ang hinostage ng mga TTP at ninais din nilang maibiyahe pabalik sa kanilang mga lugar sa pamamagitan ng eroplano, dala ang mga armas ng pulis na hinostage nila.

Binigyan pa ng ilang sandali ng mga awtoridad ng Pakistan ang mga hostahe taker upang sumuko subalit nang hindi makumbinsi ang mga ito para sumuko ay inatake sila ng mga pwersa ng pamahalaan.

Nang mawala ang usok, patay lahat ang 33 TTP habang dalawa naman ang nasawing pulis o sundalo.

Parehong naging matagumpay ang mga awtoridad sa laban sa mga nanggugulo sa kani-kanilang bayan.