Pinas pareresbak sa Japan sa OrMin oil spill

Pinas pareresbak sa Japan sa OrMin oil spill

March 5, 2023 @ 10:07 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Ikinokonsidera ng gobyerno ng Pilipinas na humingi ng tulong sa Japan para mapigil ang mabilis na pagkalat ng langis sa karagatang bahagi ng Naujan, Oriental Mindoro kasunod na rin ng paglubog ng isang oil tanker na may kargang 800,000 litrong industrial oil sa Balingawan Point kamakailan.

Sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista, nakikipagtulungan at ugnayan na ang Philippine Coast Guard (PCG) sa ilang ahensiya ng pamahalaan para mapigil ang pagkalat ng langis na umabot na sa ibang lugar ng nasabing lalawigan.

Sa pahayag ng Philippine Coast Guard (PCG), kitang-kita ang lawak ng naapektuhan ng oil spill sa isinagawang aerial surveillance sa karagatang sakop ng Naujan nitong Miyerkules, Marso 1.

Bukod sa airbus helicopter, ipinadala rin sa lugar ang BRP Melchora Aquino upang tumulong sa surveillance operation.

“’Yung Coast Guard nandoon. Tinitignan nila kung papaano pigilan pa ‘yong pagkalat ng langis. Sana ay huwag umabot sa Verde Island dahil ito ay protected area natin,” ayon kay Bautista.

Ang Verde Island ay matatagpuan sa pagitan ng Batangas province at Puerto Galera sa Oriental Mindoro.

“Siguro ay hihingi kami ng tulong sa Japanese government dahil nabanggit sa akin na malaki ang kakayahan ng Japanese government na matulungan tayo para hindi masyadong kumalat ang oil spill na ito sa ating islands sa Mindoro,” dagdag na wika nito.

Matatandaang patungo na sana sa Iloilo ang MT Princess Empress na galing sa Bataan, sakay ang 20 tripulante nang maganap ang insidente.

Bigla umanong nag-overheat ang makina ng barko dakong 2:00 ng madaling araw ng nasbing petsa.

Napadpad ang barko sa Balingawan Point kung saan ito lumubog dulot na rin ng malalaking alon.

Kaugnay nito, bumuo na ng crisis management committee ang PCG upang magsagawa ng imbestigasyon at magrekomenda ng aksyon hinggil sa insidente. Kris Jose