PINAS, SALI SA LARONG BARILAN AT PATAYAN

PINAS, SALI SA LARONG BARILAN AT PATAYAN

March 13, 2023 @ 1:48 PM 2 weeks ago


ANAK ng tokwa, sumasali na ang Pinas sa mga bansang nilalaro ang buhay ng iba gamit ang mga baril at panaksak.

Heto ang mga pangyayari.

6 TODAS SA GERMANY

Sa Hamburg, Germany, niratrat ng nag-iisang gunman ang limang miyembro ng Saksi ni Jehova habang nagsasamba ang mga ito.

Unang namaril ang suspek na si Philipp F. mula sa labas ng gusali ng simbahan at pagkatapos pumasok siya habang patuloy na namamaril hanggang sa umakyat ito sa ikatlong palapag na roon siya nagbaril ng sarili.

Dating miyembro rin ng nasabing sekta ang suspek ngunit humiwalay ito sa grupo sa ‘di malamang dahilan ngunit hindi maganda ang pakikipaghiwalay nito.

100 bala ng baril ang pinakawalan ng suspek para mapatay ang kanyang mga biktima, kasama ang isang sanggol na nasa sinapupunan pa ng kanyang ina.

Higit na marami ang nasugatan sa tama ng baril at ginagamot pa sa ospital ang mga grabe ng tama.

Nagbaril sa sarili ang gunman nang makita nitong dumating na ang mga pulis na rumesponde sa pinangyarihan ng krimen.

SA UNITED STATES

Ayon sa Gun Violence Archive, may 7,629 nang namatay sa US dahil sa tinatawag na gun violence.

Simula Enero 1, 2023, may 104 nang masaker ang naganap.

Mayroon nang 153 na namatay habang 403 ang nasugatan.

Massacre o mass shooting ang tawag sa pagpatay na 4 katao ang pinakamaliit na bilang ng namatay.

Mula 2018 hanggang sa taong ito, swerte na kung aabot sa buwan ng Mayo ang masaker.

Kabilang sa 7,629 namatay ang 42 batang 11 anyos pababa at 265 na 12-17 anyos.

Kabilang sa mga naganap na masaker ang pagpatay sa 7 katao sa Half Moon Bay, California at kinambalah ito ng pagpatay ng 11 katao sa Monterey Park habang mainit na sineselebra ang Chinese New Year.

Ang tindi, mga Bro.

SA PINAS?

Naku, hindi nagpapatalo ang Pinas sa rekord.

Heto nga at minasaker sina Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda ang lima nitong kasama na sina Alexander Agustin Delos Angeles, Alvin Dela Cruz Abel, Abraham Dela Cruz Ramos, John Duane Banag Almeda at Ismael Nanay sa Bagabag, Nueva Vizcaya noong Pebrero 19, 2023.

Marso 4, 2023 naman nang masakerin nina Joric Labrador, Joven Javier, Osmundo Rivero na pawang dating mga sundalo at Benjie Rodriguez sina Negros Oriental Governor Roel Degamo at 7 iba pa sa mismong kanyang tahanan sa bayan ng Pamplona.

SA SAKSAKAN?

Sa Italy, Texas sa US nitong Marso 4, 2023, pinagsasaksak ng isang ina ang kanyang limang anak na ikinamatay ng tatlo sa mga ito at ikinaospital ng dalawa.

Sa Pinas naman, pinagsasaksak hanggang mamatay ang apat na anak ng live-in partner ng isang overseas Filipino worker sa Cavite.

Ano na ang nangyayari?