Pinas suspendido sa visa-free entry ng Taiwan

Pinas suspendido sa visa-free entry ng Taiwan

September 8, 2022 @ 7:54 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Natanggal ang Pilipinas at iba pang mga bansa sa Asya sa pinakabagong listahan ng Taiwan ng mga bansang kwalipikado para sa visa-free entry.

Sinabi ni Taiwan Ministry of Foreign Affairs (MOFA) spokesperson Joanne Ou na ang Pilipinas ay hindi naman talaga sinuspinde, pero ang kasunduan nito sa nasabing iskema ay nagtapos na noong Hulyo 2022.

“[W]e didn’t ‘suspend’ it, most of the Asian countries haven’t been ‘resumed’ just yet, but I am sure it will be in our next round of considerations,” ani Ou.

“For the rest of Asian countries, it will be in our next round of considerations, so it was not ‘suspended’, but rather just not yet. And of course, we highly value the good relationship with the Philippines,” dagdag pa niya.

Batay sa advisory noong Setyembre 6 ng Bureau of Consular Affairs (BOCA) ng Taiwan MOFA, 54 na bansa lamang, kabilang ang Australia, United States, at France ang pinapayagang makapasok nang walang visa sa Taiwan simula Setyembre 12.

Mayroong 66 na bansa na orihinal na karapat-dapat para sa visa-free entry treatment, sabi ni Ou.

Bukod sa Pilipinas, hindi pa nagpapatuloy ang scheme para sa Japan, South Korea, Singapore, Malaysia, Thailand, Brunei, Russia, Israel, Chile, Dominican Republic, at Nicaragua.

Idinagdag ng ministry na ang mga Filipino vessel/aircraft crew members o service personnel na nagbabalak sumakay upang mag-ulat para sa tungkulin ay “ineligible for the visa-free entry”.

Unang isinama ang mga Pilipino sa scheme sa isang siyam na buwang trial period mula Nobyembre 2017 hanggang Hulyo 2018, na nagpapahintulot sa kanila na manatili nang walang visa sa Taiwan nang hindi bababa sa 14 na araw.

Ang patakaran ay pinalawig at ipinagpatuloy hanggang Hulyo 31, 2022. RNT