Pinas swak sa semis ng Little League Softball World Series

Pinas swak sa semis ng Little League Softball World Series

August 14, 2022 @ 2:06 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Pumasok ang kinatawan ng Pilipinas na Negros Occidental Little League sa semifinals ng 2022 Little League Softball World Series sa Greenville, North Carolina.

Hiniya ng Filipinas ang New England, 1-0, bunsod ng napakagandang laro ni Jacey Pajotal para makapasok sa final four.

Nauna nang natalo ang mga Pinay sa Maryland, 0-2, ngunit nagkaroon pa rin ng pagkakataon makapasok sa semis kontra New England kung saan siniguro nila ang panalo.

Umiskor ang mga Pinay sa ibaba ng unang inning, kung saan pinauwi ng single ni Pajotal si Audrey Matarong.

Nagkaroon sila ng pagkakataong magdagdag sa score sa ibaba ng third, ngunit na-tag out si Krystal Lobaton habang umaabante sa second base.

Si Pajotal ang nasa command sa kabuuan, nag-strike out ng sampung batters at pinapayagan lang ang tatlong hit.

Makakalaban muli ng Filipinas ang Maryland sa semifinals. Sa kabilang bracket, ang Texas vs. Virginia para sa puwesto sa finals.

Ang Negros Occidental, na binandera ng Bacolod, ay ang 2019 Asia-Pacific Region champion.

Ayon sa isang opisyal ng Little League, dahil sa logistical constraints na dulot ng pandemya, kulang ang mga koponan na sasabak sa Asia-Pacific tournament.

Kaya naman, inaprubahan ng Little League International Tournament Committee ang paglahok ng Negros Occidental sa World Series, na binanggit ang “kabuuang lakas ng partisipasyon sa Little League Softball program sa buong Pilipinas.”RICO NAVARRO