Pinas tanging bansa sa Asya na ‘di pa gumagawa ng bakuna – DOST

Pinas tanging bansa sa Asya na ‘di pa gumagawa ng bakuna – DOST

December 6, 2021 @ 11:03 AM 10 months ago


MANILA, Philippines – Pilipinas na lang ang bansa sa Asya na hindi pa nakakabuo ng sarili nitong bakuna para sa mga mamamayan.

Ito ay ayon sa Balik Scientist ng Department of Science and Technology kasabay ng kanilang webinar patungkol sa health research and development ng COVID-19.

“That is something we need to work on in preparation for another pandemic, or for the time that we really have to supply people with vaccines,” sinabi ni Dr. Annabelle Villalobos, consultant ng Johnson & Johnson Biopharmaceuticals kasabay ng naturang webinar.

Kung hindi pa umano handa ang bansa na makapag-manufacture ng sariling bakuna, kahit man lamang sa simpleng proseso ng pagbuo o packaging ng mga ito ay masimulan na sana.

Maaari rin umano na iangkat muna mula sa ibang bansa ang active product ingredients ng bubuuing bakuna kung ito para sa COVID-19.

Nakikita naman ng DOST na kailangan pa ng puspusang pagsasanay kasama ng technical support at regulatory consultation upang maging posible ito.

“If the [formulation, filling, and packaging] would be done, it could create at least 250 jobs for scientists, engineers, and personnel in the allied fields,” ani Villalobos.

Ayon pa sa Balik Scientist, napapanahon ang pagbuo ng Virology Science and Technology Institute of the Philippines upang masimulan na ang posibilidad na pagbuo ng sariling bakuna dito sa bansa.

Noong nakaraang taon, matatandaan na inanunsyo ng Kagawaran na naglaan sila ng P284 milyon pondo para sa pagbili ng mga kagamitan para sa kanilang research activities. RNT