PINAS ‘WAG GAWING UKRAINE

PINAS ‘WAG GAWING UKRAINE

November 23, 2022 @ 1:20 AM 4 days ago


HABANG nagbubuhos ng armas ang mga Amerikano sa Ukraine laban sa kaaway nilang Russia, nagtatatag naman sila sa Pilipinas ng mga lugar na paglalagakan ng mga sundalo at armas nila laban sa makakalaban nilang China.

Ang pagtatatag ng mga kampo militar ay nasa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement na nagbibigay-buhay sa Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Pinas at United States.

Sa ngayon, meron nang limang kampo militar ng Pinas na pupuntahan ng mga Kano, dala ang kanilang mga armas kapag nagkagiyera ang US at China.

Ang Antonio Bautista Air Base sa Palawan, Basa Air Base – Pampanga, Fort Magsaysay – Nueva Ecija, Lumbia Airport – Cagayan de Oro at Benito Ebuen Air Base -Mactan, Cebu.

At nais pa nilang dagdagan ng isa pa sa Palawan, dalawa sa Cagayan, isa sa Isabela at isa sa Zambales.

Panalangin natin na hindi sana tayo masasangkot sa anomang giyera sa alinmang bansa at kahit pa sa giyera sa pagitan ng ibang mga bansa.

Sa agawan ng China at Pinas ng kontrol sa isang bahagi ng South China Sea sa ilalim ng batas sa exclusive economic zone, sana daanin natin ito sa mapayapang pag-uusap.

Sa katunayan, ang paggamit ng mapayapang pag-uusap sa anomang sigalot ang laman ng Manila Declaration na hanggang ngayon ay ating pinaiiral mula nang mabuo ito noong 1982.

Imadyinin natin ang nagaganap sa Ukraine.

Durog na durog ito sa kamay ng Russia at hindi nakakayanang depensahan ito ng bilyon-bilyong dolyar na halaga ng armas na ibinubuhos ng mga Amerikano.

Lahat ng mga kampo militar, maging ang mga lungsod ng Ukraine ay pinasasabog ng Russia gamit ang mga makabagong armas.

Kapag naggiyera ang US at China, kung ano ang nagaganap sa Ukraine, siya ring magaganap sa Pinas.

Huwag nating gawing bakod ng mga Kano ang Pilipinas sa mga pwersang China na aatake sa kanila sa digmaan.