PINAS WALANG MALINAW NA TERITORYO SA DAGAT

PINAS WALANG MALINAW NA TERITORYO SA DAGAT

December 9, 2021 @ 8:53 PM 10 months ago


LABAN tayo nang laban sa mga agawan sa teritoryo at sakop nating exclusive economic zone sa West Philippine Sea ngunit lumalabas na hindi malinaw ang mga hanggangan ng mga lugar na ating ipinaglalaban.

Maliban sa Pag-asa Island na nilagyan na natin ng mga sundalo at sibilyan at tinayuan ng mga imprastraktura makaraang hindi balikan ito ng mga Taiwanese noong 1970’s at ang 22.2 kilometrong teritoryo sa dagat, malabo pa ang saklaw natin sa ibang bahagi ng West Philippine Sea.

At kitang-kita ito sa kawalan pa natin ng kaukulang batas upang ipatupad ang United Nations Convention on the Law of the Sea na binuo noon pang 1984 at naging epektibo lamang noong 1994 at ang desisyon ng Permanent Arbitration Tribunal noong 2016.

 Pinagdedebatehan pa lang sa Senado ang mga panukalang batas na Bills No. 2333 at 2289 na pinamagatang Philippine Maritime Zones Act at bilang resulta, wala pa ring magawang kaukulang mapa ukol dito ng National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA).

MGA BATAYAN NG PAG-ANGKIN AT PAGSAKOP

May nauna nang batas sa pag-angkin gaya ng Presidential Decree 1596 series of 1978 na inilabas ni dating Pangulong Marcos para sa pagtatag ng bayan ng Pag-asa bilang munisipyo ng Palawan.

Nagawa rin ang batas na Baselines Law noong 2009 na panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at dinesisyunang tama ng Supreme Court noong 2011.

At maituturing ding batas ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration na pumabor sa atin laban sa China sa agawan sa EEZ.

Mayroon ding achipelagic doctrine na umano’y nakasaad sa Konstitusyong 1987 at tadhana rin umano ng UNCLOS III.

Subalit ang isang mahalagang katanungan ay nasaan ang mga muhon na roon nakaangkla ang mga hangganan ng ating mga teritoryo at claim sa mga karagatan, kasama na ang EEZ?

Ang NAMRIA mismo ay hindi alam dahil wala pa talagang batas na roon sila magsimulang magsusukat  para sa paggawa ng mapa.

MGA PROBLEMA

Ngayon nga, inaangkin ng China ang EEZ at pumuporma pang maaari nitong angkin maging ang Pag-asa Island at ang Ayungin shoal makaraang bakuran nito ang limang shoal sa Panatag.

Ang desisyon naman ng Supreme Court noong 2011 ay sinasabi ng grupo ni Atty. Harry Roque na binakbak nito ang malawak na claim ng Pilipinas na 229,000 square miles at naging 34,600 square miles na lamang at apektado rito ang EEZ sa West Philippine Sea.

Kung may mapa naman ng Pilipinas na gamit ng Supreme Court ng Pilipinas at ng Permanent Court of Arbitration sa paggawa ng desisyon, hindi opisyal ang mga iyon at gawa-gawa lang ng kung sino, kasama na ang isang Amerikano, at maituturing na wala sa hulog at sukat.

PANUKALA ISABATAS NA

Ang mga panukalang batas Bills No. 2333 at 2289 ay sinasabing isasama ang lahat ng usapin ngunit pangunahing nakabatay sa interes ng Pilipinas, UNCLOS at desisyon ng PCA.

Inaasahang lilinaw ang mga hangganan ng ating teritoryo at sakop ng ating EEZ, kapangyarihang paiiralin ng bansa sa mga ito at pagrespeto at pagkilala rito ng ibang mga bansa.

Sa ganitong kalagayan, dapat na talagang pagtuunang ang mga panukala ng pamahalaan, aprubahan mga ito na batas at pairalin upang makontrol ang mga agawan at iringan na maaaring magbunga ng digmaan.