Pinatay na Vice Mayor sa Cavite, balak palang tumakbong alkalde ng Trece Martires sa susunod na taon

Pinatay na Vice Mayor sa Cavite, balak palang tumakbong alkalde ng Trece Martires sa susunod na taon

July 9, 2018 @ 1:04 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Napag-alaman na isang araw bago tambangan si Trece Martires Cavite Vice Mayor Alexander Lubigan ay inanunsiyo nito ang intensiyon na tumakbo sa pagka-mayor ng kanilang bayan sa susunod na election.

Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit nasabi ni Interior and Local Government officer-in-charge Eduardo Año na posibleng political ang motibo ng pamamaslang.

“Yung kay Mayor Bote at Vice Mayor Lubigan malakas ‘yung motibo na maaaring political. Lalo na si Vice Mayor Lubigan na nag-announce siya na tatakbo siyang mayor sa susunod na eleksyon, and then the next day naganap itong pagpatay sa kanya,” paliwanag ni Año.

“Gayundin ‘yung kay Mayor Bote kung saan isa siya sa pinagpipiliang tatakbong gobernador next year,” dagdag pa nito.

Si Lubigan ay namatay sa ambush nito lamang Sabado, July 7 ng alas-tres ng hapon at ikatlo sa mga matataas na local official na namatay noong nakaraang lingo kasunod ni Mayor Bote at Tanauan City Mayor Halili na kapwa namatay rin sa pamamaril.

Itinanggi rin ni Año na isa itong serye ng pagpatay na dapat isisi sa administrasyong Duterte.

“Hindi natin masasabing culture of impunity kasi ito mula noong 2016 at until now, more or less ay 11 mayors at five vice mayors ‘yung napatay dito. Pero iba-iba ang dahilan. Merong personal, merong related sa drugs, merong political at meron ding business rivalry,” pahayag ni Año. (Remate News Team)