Pinay, 3 anak nawawala pa rin sa guho sa Turkey

Pinay, 3 anak nawawala pa rin sa guho sa Turkey

February 15, 2023 @ 12:25 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nawawala pa rin ang isang Pinay at tatlo niyang anak kasunod ng magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa Turkey, ayon sa isang opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Martes, Pebrero 14.

Ang babae umano ay kasal sa isang Turkish national, na pinaniniwalang na-trap sa gumuhong bahay nito kasama ang kanyang mga anak.

“Their building collapsed and they are still trying to rescue them,” pagbabahagi ni Foreign Undersecretary Eduardo Jose de Vega, sabay sabing ang asawa nito ay wala sa bahay nang mangyari ang lindol.

Maliban dito, sinabi pa ni De Vega kasabay ng Laging Handa briefing na mayroong 248 iba pang Filipino ang apektado sa lindol sa Turkey at 64 ang nawalan ng tirahan.

Sa Syria naman, mayroon din na 60 Filipino ang naapektuhan ng lindol.

Hanggang sa kasalukuyan, dalawa ang kumpirmadong patay sa lindol sa Turkey habang wala namang nasawing Filipino sa Syria. RNT/JGC