Pinay illegal recruiter, timbog

Pinay illegal recruiter, timbog

August 10, 2018 @ 2:59 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Binitbit ng ilang tauhan ng National Bureau of Investigation- International Airport Investigation Unit (NBI-IAIU) ang isang pinay na umano’y iligal na nagre-recruit ng mga Filipino papuntang Qatar.

Kinilala ni NBI Director Dante Gierran, ang illegal recruiter na si Sarah Jane Esteban Y Gutierrez.

Ayon sa NBI-IAIU, nakuha ang impormasyon mula sa mga biktimang hinarang sa immigration na anila mayroong “Sarah” na tumulong sa kanilang makapag-trabaho sa Doha, Qatar.

Sumbong nila, hiningan daw sila ni Esteban ng 25,000 kada isa para sa processing fee na agad nilang pinadala sa bangko at money courier.

Binigyan pa sila ni Esteban ng tourist visa sa Malaysia, at doon lamang sila mabibigyan ng working visa para makapagtrabaho sa Qatar.

Isiniwalat ng mga biktima sa imbestigasyon na susunduin daw sila ni Esteban malapit sa NAIA matapos matunugan ang pagharang sa mga ito dahilan para sumugod ang mga operatiba sa kinaroroonan ni Esteban.

Naberipika ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na si Esteban ay hindi awtorisado o lisensyadong recruiter ng mga Pilipinong magtatrabaho abroad.

Nilabag ni Esteban ang violations of republic act 8042 o migrant workers and overseas act of 1995.

Dahil dito, bukod sa naturang kaso, nahaharap din sa kasong anti-trafficking in persons act of 2003 ang suspek sa Pasay Prosecutor’s Office. (Rene Crisostomo/ Revia Mae Sibal/ Cyra Corral)