Ping: Pag-postpone sa 2019 midterm election, labag sa Konstitusyon

Ping: Pag-postpone sa 2019 midterm election, labag sa Konstitusyon

July 19, 2018 @ 4:38 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Mistulang isinampal ni Senador Ping Lacson ang ilang probisyon sa Saligang Batas na nagsasabing labag dito ang plano ng Kamara na ipagpaliban ang midterm elections sa 2019 sa pamamagitan ng people’s initiative.

Kasunod nito, sinabi naman ni Sen. Bam Aquino na mistulang bangkay ang Charter Change na isususulong ng administrasyon kapag walang partisipasyon ang Senado.

Sa pahayag, sinabi ni Lacson na “walang makakaligtas sa partispasyon ng Senado” upang maipatupad ang people’s initiative alinsunod sa Section 2 ng Article XVII ng Saligang Batas.

“Kaya’t kailangan natin i-quote upang maiwasan ang maling interpretasyon,” ani Lacson.

Aniya, “SECTION 2. Amendments to this Constitution may likewise be directly proposed by the people through initiative upon a petition of at least twelve per centum of the total number of registered voters, of which every legislative district must be represented by at least three per centum of the registered voters therein.

“No amendment under this section shall be authorized within five years following the ratification of this Constitution nor oftener than once every five years thereafter. The Congress shall provide for the implementation of the exercise of this right,” ayon pa sa naturang probisyon, sabi ni Lacson.

“Walang mas lilinaw pa dito,” giit pa ni Lacson.

“Kaya’’t masasabi ko, mayorya ng mga senador, kabilang doon sa tatakbo for re-election ay makikipaglaban sa anumang pagtatangkang kanselahin ang 2019 midterm election dahil sa simpleng dahilan na mali ito at self-serving,” paliwanag ni Lacson.

Samantala, iginiit ni Sen. Bam Aquino na unconstitutional ang anumang tangka ng House of Representatives na baguhin ang 1987 Constitution nang walang partisipasyon ng Senado.

“Anumang hakbang na gawin ng Kamara para baguhin ang Saligang Batas na hindi kasama ang Senado ay unconstitutional,” wika ni Sen. Bam.

Ang pananaw ni Sen. Bam ay sinuportahan ng ilang miyembro ng consultative committee, kabilang ang chairman nito na si retired Supreme Court Chief Justice Reynato Puno, retired Associate Justice Eduardo Nachura at dating Senate President Aquilino Pimentel.

“I expressed my personal opinion that the voting should be done separately by both Houses of Congress and I gave my reasons for that opinion,” wika ni Puno, na ibinatay ang opinyon sa kasaysayan at pag-aaral sa iba’t ibang probisyon ng 1987 Constitution.

“It cannot be done na sila lang,” wika ni Pimentel, na tinutukoy ang House of Representatives.

Sa kanyang parte, sinabi ni Nachura na batay sa isinulat niyang libro ukol sa Constitutional law, dapat gawing hiwalay ang botohan.  Sumang-ayon naman ang iba pang miyembro ng consultative committee na sina professors Julio Teehankee at Edmund Tayao sa pananaw ng kasama nila sa komite.

Nanindigan din si Sen. Bam Aquino laban sa anumang pagkilos na ipagpalliban ang 2019 elections.

“Ang eleksyon ay haligi ng demokrasya. Kapag binuwag mo pa ang haliging iyon, baka gumuho ang demokrasya natin,” wika ni Sen. Bam.

“A number of us have already said that we are not in favor of postponing the elections,” dagdag pa niya, bilang pagtukoy sa mga kapwa senador. (Ernie Reyes)