‘Pinklawan vs Dilawan’ tweet ng PTV editor sa Ateneo shooting ‘di palalagpasin ng OPS

‘Pinklawan vs Dilawan’ tweet ng PTV editor sa Ateneo shooting ‘di palalagpasin ng OPS

July 25, 2022 @ 8:08 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Iniutos ng Office of the Press Secretary (OPS) sa mga opisyal ng People’s Television Network (PTV) na imbestigahan ang isang nagngangalang Den Macaranas, isa sa kanilang editors hinggil sa naging tweet nito ukol sa shooting incident sa Quezon City, kahapon, araw ng Linggo, Hulyo 24.

Sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na tila isang political tweet ang pinost ni Macaranas ukol sa shooting incident sa Ateneo de Manila University, kung saan tatlong katao ang napaulat na namatay.

“Nagbarilan na yata ang mga Pinklawan at Dilawan @ateneo,” ang tweet ni Macaranas, isang dating radio reporter.

Sa kasalukuyan ay inalis na ang nasabing social media post.

Tila tinutukoy kasi ni Macaranas kung paano suportahan ng unibersidad ang presidential bid ni dating Vice President Leni Robredo kaysa kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“We called the attention of officials at PTV, where he (Macaranas) is allegedly a desk editor, to investigate the matter,” ayon Kay Cruz-Angeles.

“We assure the public that if true, we will take the appropriate action,” dagdag na pahayag nito.

Nauna rito, nabigla at labis na ikinalungkot ng Malakanyang ang nangyaring shooting incident sa labas ng Ateneo de Manila University sa Quezon City na nagresulta ng pagkamatay ng tatlong katao.

“We are shocked and saddened by the events at the Ateneo graduation today. We mourn with the bereaved, the wounded, and those whose scars from this experience will run deep,” ayon kay Cruz-Angeles.

“We commit our law enforcement agencies to thoroughly and swiftly investigate these killings and bring all involved to justice,” dagdag na pahayag nito.

Nagpaabot naman ng panalangin ang Malakanyang sa mga graduates, sa kanilang pamilya, sa Ateneo community, at mga residente ng Quezon City at Basilan.

Sa ulat, kinumpirma ng Quezon City Police Distirct (QCPD) na tatlo na ang nasawi sa nangyaring shooting incident sa labas ng Ateneo de Manila University sa Quezon City.

Partikular sa Gate-3 ng nabanggit na unibersidad sa kahabaan ng northbound ng C5 Katipunan.

Ayon kay QCPD District Director PBGen. Remus Medina, nangyari ang pamamaril ng alas-2:55 ng hapon kung saan inaalam pa nila ang pagkakakilanlan ng mga biktima at ang dahilan ng insidente.
Pinagbawalan naman ang mga motorista na makapasok sa loob ng bisinidad ng Ateneo habang naka-lockdown ito at hindi muna pinapalabas ang mga estudyante.

Napag-alaman kay Supreme Court PIO Chief Brian Hosaka, patungo sana ng Ateneo University si Chief Justice Gesmundo at nasa gitna na ito ng biyahe para maging guest speaker sa graduation ceremony ng Ateneo Law School nang maganap ang insidente.

Dahil dito, pinayuhan na lamang si CJ Gesmundo na bumalik at huwag ng tumuloy pa sa nabanggit na unibersidad.

Inihayag naman ni Atty. Mico Clavano ng Department of Justice (DOJ) na nagpadala na ang National Bureau of Investigation (NBI) ng mga agent nito sa Ateneo para tumulong sa ginagawang imbestigasyon at magbigay ng assistance sa mga biktima at school authorities.

Samantala, isang suspek naman sa pamamaril ang sinasabing hawak na ng mga awtoridad kung saan kinansela naman na ng Ateneo ang 2022 commencement exercise ng kanilang Law School. Kris Jose