Pinol, PhilRice, kakasuhan ni Villar sa paglabag sa RCEF

Pinol, PhilRice, kakasuhan ni Villar sa paglabag sa RCEF

April 26, 2019 @ 1:31 PM 3 years ago


Nagbabala si Senador Cynthia Villar na kanyang kakasuhan sina Agriculture Secretary Manny Pinol at mga opisyal ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) sa paglabag sa Rice Competitive and Enhancement Fund (RCEF).

Sa pahayag, sinabi ni Villar na nangangalap na siya ng ilang abogado upang pag-aralan kung ano ang ikakaso kina Pinol at opisyal ng PhilRice na hindi sumusunod sa probisyon ng RCEF na gamitin ang pondo dito upang maging competitive ang magsasaka laban sa imported rice.

“Sa halip na turuan ang mga lokal magsasaka na magtanim ng sarili nilang inbred seeds, gamit ang pondo sa RCEF, kinakatigan pa ni Sec. Pinol ang pamamahagi ng hybrid seeds ng PhilRice. Masyadong mahal ang hybrid seed sa merkado,” giit ni Villar. 

Iginiit ni Villar na may bilyong pondo ang DA para sa hybrid seeds na pinapatay naman ang industriya ng pagsasaka kapalit ng kikitain ng ng mga opisyal ng ahensiya para dito.

Sinabi ni Villar na sa ilalim ng Rice Competitiveness and Enhancement Fund tuturuan ang mga magsasaka, lider ng kooperatiba o farmers association na magpatakbo ng mga makabagong teknolohiya sa pagsasaka upang mas maraming anihin gamit din ang inbred seeds.

“Aabot sa 50% ang itataas ng ani ng bawat magsasaka tulad ng 90 sako ng palay na inaani sa bawat isang hektarya na aabot na sa 135 na sako ng palay na mas lalaki ang kikitain ng mga magsasaka,” giit ni Villar.

Aniya, panahon na para tutukan ang kabuhayan ng pagsasaka na napag-iiwanan ng bansang Vietnam at Thailand.

Umaasa si Villar na kakayanin ng magsasakang Filipino na maiangat ang pagsasaka sa bansa bastat susundin lamang ng mga kaukulang ahensya tulad ng DA at Philrice ang nakasaad sa batas.

Dagdag pa ng senadora naghahanap na ito ng mga abugado na siyang gagamitin sa pagsasampa ng kaso kay DA Secretary Piñol at iba pang opisyal ng ahensiya at maging ang ilang opisyal ng Philrice kapag hindi sinunod ang probisyon sa RCEF para sa kapakanan ng mga magsasaka. Ernie Reyes