Delaware, United States – Patay ang isang Pinoy at apat nitong anak na babae nang sumalpok ang sinasakyang kotse sa truck sa Delaware, United States.
Ayon sa ulat ng kamag-anak ng pamilya, pauwi na sana ang pamilya mula sa bakasyon habang binabagtas ang Delaware Highway 1 noong Biyernes (July 6), nang tumawid ang isang pick-up truck sa gitna ng daan at salpukin ang sinasakyang kotse ng pamilya.
Tanging si Mary Rose Ballocanag, 53-anyos, ang ina ng pamilya ang nag-iisang nakaligtas sa naturang aksidente.
Si Ballocanag ay tulog nang mangyari ang aksidente at sa kaniyang paggising ay nakita niya nalang ang walang buhay niyang asawa na tumilapon sa kanyang kandungan.
Kinilala naman ng kamag-anak ng pamilya na si Linda Douglas ang ama na si Audie Trinidad at ang apat nitong anak na sina Kaitlyn, 20-anyos, Danna, 17-anyos at kambal na sina Allison atMelissa.
“The daughters were just so sweet to my family and had so much compassion for my daughters,” sabi nito sa isang panayam.
Daang-daang tao naman ang nagtipon-tipon sa Votee Park in Teaneck, New Jersey para magpakita ng suporta sa nasabing pamilya.
Samantala, sa inilunsad na online fundraising, nakalikom na ito ng nasa $50,000 sa loob lamang ng 10-oras para sa pampagamot ni Ballocanag.
Hindi pa naman nakakapagdesisyon si Ballocanag tungkol sa burol ng kaniyang asawa at ng kaniyang mga anak. (Remate News Team)