Pinoy domestic workers sa HK may taas-sahod

Pinoy domestic workers sa HK may taas-sahod

October 6, 2022 @ 12:30 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Mabebenepisyuhan ang mga Filipino house helper o kasambahay sa kamakailang pagtaas ng sahod para sa mga dayuhang domestic worker sa Hong Kong.

“The increase in pay comes after a two-year wage freeze in HK due to the Covid-19 (coronavirus disease 2019) pandemic. At this time of rising prices due to a stronger US dollar, this new minimum wage hike is a boon to our kasambahays in HK,” base sa ipinalabas na pahayag ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan “Toots” Ople.

Sinabi ni Ople na ang pagtaas ng suweldo ng mga dayuhang domestic worker sa Hong Kong ay katumbas ng P750 hike kung iko-convert sa Philippine peso.

“Kung ikukumpara sa pinakamababang sahod ngayon para sa mga lokal na kasambahay na mula sa mababang P3,500 sa Zamboanga Peninsula o P5,500 sa Central Visayas hanggang sa mataas na P6,000 sa Metro Manila, ang isang Filipino domestic worker sa Hong Kong ay magkakaroon na ngayon ng kita na 4,730 Hong Kong dollars o P35,475,” dagdag pa ni Ople.

Noong Setyembre 30, inihayag ng gobyerno ng Hong Kong na itataas nito ang kanilang minimum allowable wage (MAW) at food allowance para sa mga dayuhang domestic worker.

Nagkabisa ang dagdag sahod noong Oktubre 1.

Ipinapakita ng datos ng Hong Kong Immigration Department na mayroong 188,171 overseas Filipino worker (OFWs) sa lungsod noong Agosto 2022, ayon sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Hong Kong.

Sinabi ng gobyerno ng Hong Kong na ito ang bumubuo ng higit sa kalahati ng tinatayang 333,000 migrant domestic worker ng lungsod.

Ang bagong Hong Kong MAW na 4,730 Hong Kong dollars ay 100 Hong Kong dollars na higit sa dating sahod na 4,630 Hong Kong dollars na itinakda noong Setyembre 2019.

Ang bagong minimum na food allowance na 1,196 Hong Kong dollars o katumbas ng humigit-kumulang PHP8,970 na itinakda noong Setyembre noong nakaraang taon ay 23 Hong Kong dollars na higit sa dating minimum food allowance na 1,173 Hong Kong dollars.

Gayunpaman, tanging ang mga domestic worker na hindi nakatira sa loob ng tirahan ng kanilang amo ang may karapatan sa food allowance.

Sa paghahambing, sinabi ni Ople na ang isang dayuhang domestic worker sa Taiwan ay kumikita ng 20,000 New Taiwan dollars (P37,200) habang sa Singapore, ito ay 600 Singapore dollars (P24,659). RNT