Pinoy galing sa ibang bansa, papapasukin pa rin sa Pinas – Palasyo

Pinoy galing sa ibang bansa, papapasukin pa rin sa Pinas – Palasyo

January 16, 2021 @ 1:35 PM 1 year ago


Manila, Philippines – Sa kabila ng napaulat na may isang kababayan na galing United Arab Emirates ang nagpositibo sa B.1.1.7. SARS-CoV-2 variant na nasa Pilipinas na ay hindi pa rin ipatutupad ng pamahalaan na pagbawalan o pipigilan ang mga Pilipinong nais na magbalikbayan sa bansa.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na naninindigan si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na malaya ang mga Pilipino na umuwi ng bansa dahil karapatang-pantao aniya ng lahat ang makauwi ng Pilipinas.

“Nanindigan na po ang Presidente: Walang Pilipino na pupuwedeng mapigilang umuwi, because that is the right to travel, recognized already in jurisprudence laid down by the Philippines Supreme Court,” karapatang pantao po iyan ng lahat ng Pilipino. Kaya lang gagawa tayo ng hakbang para maprotektahan naman ang ating populasyon laban dito sa bagong strain kasama na po diyan iyong absolute 14-day quarantine,” ayon kay Sec. Roque.

At sa halip na pagbawalan nga at pigilan ang mga filipino na makauwi ng bansa ay pinalawig ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang travel restrictions sa 35 bansa hanggang sa Enero 31, 2021.

Ani Sec. Roque, ang travel restrictions at rules ay applicable sa lahat ng manggagaling sa mga bansang The United Kingdom, Denmark,  Ireland, Japan, Australia, Israel, The Netherlands, The People’s Republic of China kabilang dito ang Hong Kong Special Administrative Region, Switzerland, France, Germany, Iceland, Italy, Lebanon, Singapore, Sweden, South Korea, South Africa, Canada, Spain, United States of America, Portugal, India, Finland, Norway, Jordan, Brazil, Austria, Pakistan, Jamaica, Luxembourg at Oman.

Ang anunsiyo ay matapos iulat ng Department of Health (DOH) ang unang kaso ng bagong variant ng COVID-19 na nakapasok na sa bansa matapos na masuri ang isang lalaki mula sa United Arab Emirates (UAE).

Samantala, epektibo naman sa 12:01 AM Manila time ng Enero 17 o sa Linggo ay kasama na rin sa travel restrictions ang UAE at Hungary hanggang Enero 31, 2021.

Bagama’t pinagbabawalang pumasok mula sa nasabing mga bansa ang mga dayuhan, ang mga Filipino na mula naman dito ay papayagan pa rin makapasok sa Pilipinas subalit kailangan nilang sumailalim sa 14-day quarantine anuman ang maging resulta ng kanilang COVID test.

Habang ang international tourists mula sa mga bansang wala sa listahan ay kailangan pa rin tapusin ang 14-day quarantine kahit negatibo sila sa RT-PCR test. Kris Jose