Pinoy human trafficking victims tutulungan ng Thai governors

Pinoy human trafficking victims tutulungan ng Thai governors

March 15, 2023 @ 4:28 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Siniguro ng dalawang gobernador sa Thailand na tutulungan nila ang mga Filipino na biktima ng human trafficking sa nasabing bansa.

Ito ay kasabay ng pagbisita ni Philippine Ambassador to Thailand Millicent Cruz Paredes kay Governor Wanchai Kongkasame ng Udon Thani at Governor Suwit Chanhaworn ng Nong Bua Lam Phu noong Marso 3.

Bahagi ito ng official visit ni Paredes sa mga opisyal sa northeastern region ng Isan.

Ayon sa Department of Foreign Affairs o DFA, maliban dito ay nakipagkita si Paredes sa Filipino community sa Udon Thani partikular sa Palarong Pinoy 2023 at nakiisa rin siya sa programa ng Embahada sa Thailand laban sa human trafficking sa Mekong Region.

Nagpasalamat naman si Paredes kay Udon Thani Governor Wanchai Kongkasame at sa mga residente ng nabanggit na probinsya sa pagkupkop at mabuting pakikitungo sa mga Filipino sa lugar.

Siniguro naman ni Nong Bua Lam Phu Governor Suwit Chanhaworn kay Paredes na palaging bukas ang probinsya sa pagdulog ng mga Filipino na manghihingi ng tulong lalo na sa kaso ng human trafficking. RNT/JGC