Pinoy math wizards, humakot ng gold medal sa Las Vegas

Pinoy math wizards, humakot ng gold medal sa Las Vegas

June 12, 2018 @ 3:13 PM 4 years ago


Nasungkit ng Pinoy math wizards ang third place sa ginanap na International Regions Mathematics League (IRML) competition sa University of Nevada sa Las Vegas noong June 1-2.

Pinagsama-sama ang mga high school math wizards sa buong Pilipinas para sa naturang kompetisyon. Nasungkit ng Pilipinas ang third place habang ang kampyonato ay naiuwi ng China na sinundan ng Team Macau.

Nagkamit ng anim na gold medals sa pagiging top scorers sa individual round sina  Kirk Patrick Bamba (Mataas na Paaralang Neptali A. Gonzales, Mandaluyong City), John Joshua Cruz (Pasig Catholic College), Bikram Chohan Singh (Notre Dame School of Greater Manila), Lance Adrian Ko (St Stephen’s High School, Manila), Hans Mackenzie Uy (St Joseph School, Naga City), William Joshua King (Bethany Christian School, Cebu City) at Arthur Caleb Co (Philippine Science High School, Central Luzon Campus).

Ang mga estudyante ay nagpagalingan sa team round, power round, individual round, at relay round. Ang score sa bawat round ay pinagsama-sama para mabuo ang kanilang overall score.

Ayon sa team sponsor Asian MathSci League, Inc. (AMSLI), kaiba sa mga math competition, ang IRML ay susukat hindi lamang ang indibidwal na kakayahan at kaalaman ng mga kalahok sa math, kundi pati rin ang kanilang teamwork.

Maliban sa kompetisyon, binigyan rin sila ng pagkakataon upang bisitahin ang mga prestihiyosong eskwelahan gaya ng Stanford University, UC Berkeley, and Sta. Clara University, pati na rin ang Griffith Observatory at Lawrence Hall of Science. (Remate News Team)