California, USA – Patay ang isang Pinoy na nagtatrabahong security guard sa California nang basta na lang siya barilin ng isang lalaki habang kausap niya sa cellphone ang kanyang asawa sa Pilipinas.
Sa online news site na www.ktvu.com, kinilala ang biktima na si Rolando Romero, 61-anyos.
Nadakip naman makaraan ang suspek sa krimen na si Cardell Coleman, 24.
Sa ulat, sinasabing nangyari ang krimen, dakong 5:00 am noong July 2.
Malapit na umanong matapos ang duty ni Romero bilang security guard sa ginagawang pabahay sa Bayview District sa San Francisco nang lapitan siya ng suspek at binaril.
Inabutan pa ng mga pulis ang duguang si Romero at isinugod nila sa ospital pero hindi na naisalba ang kanyang buhay.
Sa tulong ng CCTV, natukoy ang salarin na si Coleman at naaresto sa sumunod na araw.
Nitong Martes, naghain sa korte ng guilty plea si Coleman sa krimen matapos aminin sa pulis ang pagbaril at pag-angkin sa nakitang baril na ginamit sa pagpatay kay Romero.
“No one deserves to die like this,” ayon kay police Sgt. Tracy McCray.
Dagdag niya, “This is one of the more heinous acts of violence against someone. It wasn’t expected, no pre-warning, nothing.”
Sinabi rin ni McCray, nagbigay ng $1,000 donasyon ang San Francisco Police Officers Association sa GoFundMe page na ginawa ng mga kaanak ni Romero para maiuwi sa Pilipinas ang kanyang mga labi. (Remate News Team)