PINOY SANAY NA SANAY SA MAÑANA HABIT

PINOY SANAY NA SANAY SA MAÑANA HABIT

January 27, 2023 @ 10:28 AM 2 months ago


UGALI na talaga ng mga Pinoy ang magpatumpik-tumpik sa mga panahong may mahalaga silang dapat gampanan o kuhanin lalo na kapag matagal pa naman ang kailangang panahon para ito maisakatuparan.

Karaniwan na nilang ginagawa na kung kelan malapit na ang deadline ay saka naman nagkukumahog at kapag nabigong maabot ang takdang panahon dahil sa dami ng mga dumagsa ay magrereklamo at humihiling na palawigin pa ang panahon.

Marami ng ganitong halimbawa na hindi tumutukoy lamang sa mga bata o matanda, babae o lalaki kundi sa pangkalahatan dahil ito na yata ang naging kostumbre ng maraming mamamayang Pilipino – ang Mañana habit.

Tulad na lang halimbawa ng mga itinakdang pagpaparehistro ng mga botante para makaboto sa Sanggunian at Barangay election na ang deadline ay hanggang katapusan ng Enero ng kasalukuyang taon na tiyak na dadagsain na naman kapag malapit na ang itinakdang panahon.

Noong mga unang araw at linggo na ini-anunsiyo ng Commission on Elections ang pagbubukas ng registration ng mga bagong botante, maluwag na maluwag ang mga tanggapang binuo ng komisyon dahil kokonti lamang ang mga nagpaparehisro.

Halos araw-araw ay laman ng balita at panay ang anunsiyo ng Comelec, pati na ang mga paraan nilang isinasagawa, para maginhawa ang pagpaparehisrtro kaya kahit papaano ay lumobo ang bilang ng mga bagong botante. Pero tiyak na kapag isa o dalawang araw na lamang bago mag-deadline, tiyak na daragsa na at magsisiksikan ang mga nais magparehistro tulad ng nangyayari taon-taon.

Hindi lang ang Comelec ang gumagawa ng kaukulang hakbang at mga pamamaraan upang mahimok ang mga bagong botante na agahan ang pagpaparehistro dahil maging ang mga lokal na pamahalaan ay gumagawa rin ng paraan upang makabayad ang mga naghahabol sa deadline sa pagbabayad naman ng buwis.

Halos lahat yata ng local government unit sa Metro Manila ay pinalawig ang itinakdang deadline ng taxpayers sa pagbabayad ng kanilang renewal ng business permit at iba pang buwis dahil kung kelan malapit na ay tsaka naman nag-aapura ang taxpayers. Siyempre, natural na lang sa city at municipal chief executives na gumawa ng ganitong uri ng hakbang dahil kailangan din naman nilang makakolekta ng malaking buwis para magamit sa maayos na pagkakaloob ng serbisyo sa kanilang mamamayan.

Ang isa pang tiyak na dadagsain kapag malapit na ang deadline ay ang sim registration na hanggang Abril 28 na lamang ng kasalukuyang taon.

Kapag malapit na ang deadline , mahirap nang buksan ang website ng kumpanya ng mobile dahil dagsa na ang magpaparehistro.

Tapos kung sino-sino ang sisisihin sa halip na kanilang sarili.