Pinoy scientist wagi ng UN award for disaster risk reduction

Pinoy scientist wagi ng UN award for disaster risk reduction

May 26, 2022 @ 11:17 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Isang Filipino scientist ang ginawaran ng United Nations’ Sasakawa Award para sa kanyang kontribusyon sa disaster risk reduction, sinabi ng Climate Smart and Disaster Resilient ASEAN ngayong Huwebes.

Mula sa 200 nominasyon sa buong mundo, ang parangal ay iginawad kay Glenn S. Banaguas, na namumuno sa programa ng Climate Smart Philippines na tumutugon at pumipigil sa mga panganib at pinsala mula sa pagbabago ng klima.

Natanggap ni Banaguas ang parangal sa isang seremonya sa Bali, Indonesia.

“I extend my thanks and gratitude to the organizers of the UN Sasakawa Award for recognizing Climate Smart Philippines’ efforts to empower people from all walks of life to develop evidence-based, humane, and gender-responsive solutions,” sabi niya.

Pinangunahan ni Banaguas ang Climate Smart Philippines sa ilalim ng kanyang pamumuno sa Environmental and Climate Change Research Institute noong 2010.

Ang programa ay nagtitipon ng mga siyentipikong eksperto at stakeholder upang talakayin ang mga panganib sa sakuna at maiwasan ang mga potensyal na pinsala at pagkalugi na nagbabanta sa Pilipinas mula sa pagbabago ng klima at iba pang mga panganib.

Ayon sa Climate Smart and Disaster Resilient ASEAN, ito ang unang pagkakataon na nagwagi ang nag-iisang Pilipino sa 35-taong kasaysayan ng parangal.

Samantala, nakuha naman ng Save the Children – Philippines ang parangal sa Organization category.

Kabilang sa mga naunang pinarangalan sa Pilipinas ang Lungsod ng San Francisco noong 2011 at ang ESCAP/Typhoon Committee noong 1988. RNT