Pinoy workers aayudahan sa pagbabawal ng POGO

Pinoy workers aayudahan sa pagbabawal ng POGO

January 24, 2023 @ 11:33 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian nitong Martes, Enero 24 na aayudahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga manggagawang Pinoy na maaapektuhan sakaling maipatupad ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ban sa bansa.

Ani Gatchalian sa panayam ng GMA News, dapat na iprayoridad ng pamahalaan ang pagbibigay ng bagong trabaho sa 16,000 Filipino POGO workers na maaaring mawalan ng trabaho dahil dito.

“Ang importante diyan ‘yung ating mga kababayan hindi mawalan ng trabaho lalo na sa mga ganitong mga panahon. Kaya ang DOLE ay dapat atasan natin na maghanap kaagad ng kapalit na trabaho,” anang Senador.

Matatandaan na sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Biyernes, Enero 20 na maaaring hindi na karapat-dapat payagan ang POGO sa bansa dahil sa dumaraming kaso ng krimen na may kaugnayan dito.

Sa kabila nito, patuloy na inaalam ng pamahalaan kung makabubuti pa rin ba ang POGO sa bansa, tinukoy nito na ang mga illegal POGOs ang karaniwang nagdudulot ng problema partikular na ang pagpatay at pagdukot.

Ayon kay Gatchalian na siyang umuupo sa Senate ways and means panel, ilalabas ngayong linggo ang ulat kaugnay ng mga isyu sangkot ang POGO sa bansa. RNT/JGC