Pinsala ng bagyong ‘Agaton’ sa agrikultura, sumampa na sa P1.4B

Pinsala ng bagyong ‘Agaton’ sa agrikultura, sumampa na sa P1.4B

April 19, 2022 @ 6:45 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Lumobo pa sa P1.4 billion ang pinsalang iniwan ng bagyong Agaton sa sektor ng agrikultura sa bansa.

Sa datos na inilabas ng Department of Agriculture (DA), nasa 23,188 na mga magsasaka at mangingisda ang apektado ng nagdaang bagyo.

Aabot naman sa 35,258 metric tons ang naging production loss mula sa 17,384 ektaryang sakahan sa Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Soccsksargen at Caraga.

“Affected commodities include rice, corn, high value crops, livestock, and fisheries. These values are subject to validation,” saad ng DA.

Samantala, pinakamalaki ang danyos ng bagyo sa palaisdaan na mayroong kabuuang value loss na P763.3 million at 2,234 mangingisda ang apektado.

Sumunod ang palay na may volume loss na 33,501 MT na nagkakahalaga ng P595.6 million.

Nasa P30 million naman ang pinsala sa high-value crops na may volume loss na 866 MT.

Habang ang 891 MT na mga tanim na mais mula sa 417 ektaryang lupain ang sinira ng bagyo na nagkakahalaga ng P21.4 million.

Umabot naman sa P7.2 million ang danyos sa mga livestock at poultry.

Sa ngayon, ayon sa DA, nagpapatuloy ang kanilang assessment sa pinsalang idinulot ng bagyong Agaton sa agri-fisheries sector.

Tiniyak din ng ahensya ang tulong para sa mga magsasaka at mangingisdang naapektuhan ng bagyo. RNT/ JCM