Pinsala ng bagyong Maymay, Neneng sa agrikultura P594M na

Pinsala ng bagyong Maymay, Neneng sa agrikultura P594M na

October 24, 2022 @ 6:38 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Umakyat na sa P594.02 milyon ang kabuuang halaga ng mga pinsala sa agrikultura dahil sa magkasunod na Tropical Depression Maymay at Neneng.

Ito ang datos na inilabas ng Department of Agriculture’s Disaster Risk Reduction and Management Operations Center (DA-DRRM OpCen) nitong Lunes, Oktubre 24 kung saan umakyat na din sa 36,978 metriko tonelada ang production loss.

Nasa 22,150 hektarya ng lupang sakahan ang napinsala dahilan para maapektuhan ang 22,437 mga magsasaka at mangingisda mula sa Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, at Cagayan Valley.

Pinakamalaki pa rin sa mga napinsala ang bigas na mayroong P500.1 milyon halaga sinundan ng high value crops sa P57.73 milyon, mais sa P19.62 milyon, livestock at poultry sa P9.34 milyon, at pangisdaan sa P7.23 milyon.

“The DA continuously coordinates with concerned NGAs [national government agencies], LGUs [local government units], and other DRRM-related offices for the impact of the tropical cyclones, as well as available resources for interventions and assistance,” ayon sa abiso ng DA-DRRM. RNT/JGC