Pinsala sa Davao quake, umabot na sa P142M

Pinsala sa Davao quake, umabot na sa P142M

February 8, 2023 @ 4:41 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Umakyat na sa P142 milyon ang naitalang pinsala dulot ng magnitude 6 na lindol na tumama sa Davao de Oro noong Pebrero 1.

Sa pahayag ng lokal na pamahalaan ng Davao de Oro nitong Miyerkules, Pebrero 8, nasa P79 milyon halaga ng pinsala ang naitala sa imprastruktura habang nasa P63 milyon naman ang pinsala sa healthcare facilities partikular na ang Davao de Oro Provincial Hospital (DDOPH) sa bayan ng Montevista.

Batay sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), 11 tirahan ang totally damaged habang 459 naman ang partially damaged.

Apektado rin ng lindol ang nasa 245 pasyente at 56 watchers.

Kabuuang 229,647 pamilya o 770,918 indibidwal din sa probinsya ang naapektuhan.

Sa kasalukuyan, patuloy pa rin sa pagsasagawa ng ocular inspection ang Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA) team sa mga bayan ng Montevista, Compostela at New Bataan, na sentro ng lindol.

“The team discussed the result of the assessment of the damage, losses, and immediate needs of the affected communities,” ayon sa probinsya. RNT/JGC