Pinsala sa nasunog na warehouse sa Taguig, umabot sa P2M

Pinsala sa nasunog na warehouse sa Taguig, umabot sa P2M

March 17, 2023 @ 5:46 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines — Umabot sa P2 milyon ang iniwang pinsala sa sunog na tumupok sa isang warehouse sa Taguig City nitong Biyernes ng madaling araw, Marso 17.

Sa report ng Bureau of Fire Protection, sinabi nito na nasunog ang dalawang palapag na warehouse ng Cabrera Concept Fabrication and Construction Industrial sa New Lower Bicutan, Taguig City sa hindi pa tukoy na dahilan.

Itinaas ang unang alarma bandang 12:59 ng madaling araw.

Dahil dito ay rumesponde na ang mga fire trucks mula sa Taguig, Pasay, Paranaque at Pateros at pagsapit ng alas-2 ng madaling araw ay idineklara nang fire out ang sunog.

Wala namang nasawi o nasaktan sa sunog, ngunit nakaapekto ito sa 16 na indibidwal at ang pinsala ay umabot sa “more or less P2 million pesos.”

Wala namang ibang establisyimento o bahay ang nadamay sa nangyaring sunog. RNT/JGC