Pinsala sa public infrastructure sa bagyong Karding, umabot na sa P135M – DPWH

Pinsala sa public infrastructure sa bagyong Karding, umabot na sa P135M – DPWH

September 28, 2022 @ 7:03 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tinatayang aabot na sa P135.09 milyon ang partial cost ng pinsala sa mga national roads, tulay at flood-control structures sa paghagupit ng bagyong Karding, ayon sa Department of Public Works and Highways.

Ngayong Miyerkules, Setyembre 28, ang pagtataya ng pinsala sa mga kalsada ay umabot na sa P34.71 milyon, sa mga tulay ay P22.39 milyon, at flood-control structure na umabot naman sa P77.99 milyon.

Ang naiulat na gastos ay sasailalim pa sa field validation.

Sa mga lugar na sinalanta ng bagyo, ang pinsala sa Cordillera Administrative Region sa imprastraktura ay nasa P19.6 milyon; P9.11 milyon sa Region 2; P91.38 milyon sa Region 3; P3 milyon sa Region 4-B at P12 milyon sa Region 5.

Samantala, limang (5) national road sections ang nananatiling sarado sa trapiko.
Kabilang rito ang Kennon Road sa Benguet; Cabagan-Sta. Maria Overflow Bridge sa Isabela; Nueva Ecija-Aurora Road, Diteki River Detour Road; Baliwag Candaba – Sta. Ana Road, Brgy. San Agustin, Candaba, Pampanga; Hamtic-Bia-an-Egaña- Sibalom Road, Egaña Bridge sa Brgy. Egaña -Buhang, Sibalom, Antique.

Limitado naman ang access sa tatlong kalsada kabilang ang Gapan Ft. Magsaysay Road, Brgy. Padolina, General Tinio na maari lamang daanan ng mga light vehicles dahil sa mga bumagsak na poste ng kuryente.

Ang Candaba-Sana Miguel Road sa Pampanga na maaari lamang daanan ng malalaking sasakyan dahil sa baha at ang Angeles-Porac-Floridablanca-Dinalupihan Road, Mancantian Bridge sa Pampanga na halos hindi madaanan ng mga light vehicles dahil rin sa pagbaha. Jocelyn Tabangcura-Domenden