“Pinuno” ng crime group tiklo sa pamamaril; jowang katorse sinagip

“Pinuno” ng crime group tiklo sa pamamaril; jowang katorse sinagip

March 17, 2022 @ 12:41 PM 4 months ago


MANILA, Philippines – Dinakip ang isang lider umano ng isang grupo ng mga kriminal matapos mamaril, at nailigtas ang 14-anyos na neneng kinakasama nito sa Caloocan City.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si Ronel Oliva, 33 , ng Barangay 26, Maypajo, Caloocan City, sinasabing pinuno ng isang pangkat na sabit sa carnapping, gunrunning, at pagtutulak ng droga sa Kalakhang Maynila.

Ayon sa pulisya, iniulat sa kanila ng Kapitan ng Barangay 30, Caloocan na may pamamaril na naganap sa Antipolo St. dakong 1:30 am ng Marso 12.

Sa footage ng closed circuit television (CCTV) camera ay nakilala si Oliva na sakay ng motorsiklo at namaril sa isang lalaking mapalad na hindi tinamaan.

Bandang 9:30 am nitong Miyerkules, Marso 16 ay isinilbi ang arrest warrant laban sa suspek na inisyu ni Judge Raymundo G. Vallega ng Regional Trial Court Branch 130 para sa paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Habang isinisilbi ang warrant ay doon nailigtas ang 14-anyos na neneng kinakasama umano ni Oliva na itinago sa pangalang “Audrey” na ngayo’y nasa pangangalaga na ng City Social Welfare Department.

Nakumpiska sa dinakip ang ang isang kalibre .38 na may dalawang bala, isang kalibre .45 na may dalawa ring bala, 16 pang bala, isang basyo, at dalawang granada at idiniretso na siya sa presinto. Merly Iral