Pisak mata, dugo sinipsip: Bukidnon inatake ng zombie?

Pisak mata, dugo sinipsip: Bukidnon inatake ng zombie?

February 20, 2022 @ 5:00 PM 3 months ago


MANILA, Philippones – Pinabulaanan ng Valencia City Police Station sa lalawigan ng Bukidnon ang kumakalat na tsismis na “pag-atake ng zombie” sa social media tungkol sa kaguluhan na nangyari sa barangay Tungan-tungan, Valencia City.

Sa isang panayam sa telepono noong Sabado, sinabi ni Lt. Pablo Jugos Jr., punong imbestigador ng pulisya ng Valencia City, na ang insidenteng naganap noong Pebrero 17 ay isang bihirang pisikal na pag-atake lamang na kinasasangkutan ng dalawang indibidwal.

Kinilala ni Jugos ang suspek na si Carl Clinton Colinas, 25, mula sa Saligan village, na nanakit sa biktima na kinilalang si Anthony Arimas, 30, mula sa Barangay Tungan-tungan.

Naniniwala siyang naging viral sa social media ang insidente dahil bukod sa pananakit sa biktima, tinusok din ng suspek ang mga mata ng biktima gamit ang kanyang mga daliri, kinagat ang mga daliri, at sinipsip pa ang kanyang dugo.

“Sa aking pakikipanayam sa biktima, sinabi niya na inatake siya ng suspek, tinusok ang kanyang nga mata, gamit ang kanyang mga daliri, at sinipsip ang kanyang dugo,” sabi ni Jugos.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, narinig ni Arimas na may sumisigaw sa pagitan ng hatinggabi hanggang ala-1 ng umaga at lumabas upang kumpirmahin. Nakita ng biktima ang hubad na suspek na tumatakbo habang hinahabol.

Sinabi ni Jugos na nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan si Colinas at ang kanyang live-in partner noong araw na iyon na naging dahilan ng kanyang agresibong pagkilos.

Sinabi rin niya na ang suspek ay dati nang naipasok sa rehab dahil sa paggamit ng ilegal na droga.

Gayunpaman, sinabi ng suspek sa interogasyon na hindi siya nakahithit ng anumang droga ngunit nasa ilalim siya ng impluwensya ng alkohol.

Agad namang tumungo sa lugar ang mga rumespondeng pulis matapos maalerto at madakip ang suspek. RNT