Piso bumagsak sa bagong record low na P57.48:$1

Piso bumagsak sa bagong record low na P57.48:$1

September 20, 2022 @ 6:08 PM 1 week ago


MANILA, Philippines- Sumadsad na naman ang Philippine peso laban sa US dollar nitong Martes, sa ika-pitong pagkakataon ngayong 2022, bago ang inaasahang rate hike sa United States.

Bumulusok ang piso sa P57.48:$1 mula sa P57.4:$1 nitong Lunes.

Ito ang ika-pitong all-time low sa taong ito, kasunod ng mga nakaraang records noong Setyembre 2 (P56.77:$1), Setyembre 5 (P56.999:$1), Setyembre 6 (P57.00:$1), Setyembre 7 (P57.135:$1), Setyembre 8 (P57.18:$1), Setyembre 16 (P57.43:$1), at Setyembre 20 (P57.48:$1).

Bumagsak na ang piso ng P6.841 o 12.7% mula sa P50.999:$1 sa last trading day ng 2021.

Iniugnay ito ni Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC) chief economist Michael Ricafort sa antisipasyon ng rate hike sa susunod na policy meeting ng Federal Reserve sa Miyerkules.

“[T]hat increases the attractiveness/allure of the US currency with higher interest rate income on US dollar deposits/fixed income investments/securities,” paliwanag ni Ricafort.

Samantala, magpupulong naman ang Monetary Board ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa Huwebes upang talakayin kung kailangang baguhin ang policy rates sa kasalukuyang kondisyon. RNT/SA