Pistolerong lolo arestado sa SJDM Comelec checkpoint

Pistolerong lolo arestado sa SJDM Comelec checkpoint

February 25, 2023 @ 2:42 PM 4 weeks ago


Bulacan – Arestado ang isang 61-anyos na lalaking negosyante matapos mahulihan ng baril sa inilatag na Comelec check point ng mga awtotidad sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM).

Kinilala ni Bulacan Police director PCOL. Relly Arnedo ang suspek na si Ruel Cervo, negosyante, residente ng Brgy. Narra, SJDM.

Sa report ni SJDM Acting chief of police PLt. Col. Ronaldo Lumactod Jr., naaresto ang suspek bandang ala-1 ng madaling araw nitong Pebrero 23 sa ikinasang checkpoint sa Governor F. Halili road, boundary ng Brgy. Gaya-gaya at Brgy. Muzon.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, kasama ng SJDM police station ang 2nd PMFC at Philippine Army na nagsagawa ng checkpoint na mahigpit na ipinatutupad ang gun ban sa lugar nang dumaan ang isang rider.

Nang huminto ang rider ay aksidenteng namataan ng mga awtoridad ang nakalawit na handle ng baril sa kanyang baywang kaya agad nila itong bineripika.

Bagama’t nagpakita ng mga dokumento ay nalamang lumabag naman ito sa Comelec gun ban para sa plebisito sa Marso 25 sa Brgy. Muzon na posibleng maghati rito sa apat na malayang barangay.

Nahaharap sa kaukulang kaso habang nakakulong sa naturang istasyon ang suspek na nasamsaman ng Norinco Caliber .45 pistol, pitong bala na may dokumento at Honda Click motorcycle.

Sinasabing epektibo ang gun ban mula Pebrero 23 hanggang Abril 1 taong kasalukuyan at may nakatalagang checkpoint sa pitong hangganan ng naturang barangay para tiyaking payapa ang paparating na plebisito. Dick Mirasol III