Pitong barangay sa Cotabato, isinailalim na sa ‘state of calamity’

Pitong barangay sa Cotabato, isinailalim na sa ‘state of calamity’

July 7, 2018 @ 3:17 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Isinailalim na sa state of calamity ang pitong barangay sa Kabacan, Cotabato bunsod ng pagbaha na nararanasan sa lalawigan.

Tuluy-tuloy ang pag-ulan at thunderstorm sa nasabing bayan na naging dahilan upang umapaw ang ilog at bahain ang mga mabababang lugar. Hindi na bababa sa 2,000 pamilya ang napilitang lumikas dahil sa baha.

Binaha rin ang bayan ng Pigkawayan na naging dahilan para ma-stranded ang maraming guro at estudyante nuong Biyernes.

Samantala, lumakas pa ang bagyong Gardo (international name: Maria) habang papalapit sa Pilipinas.

Sa huling weather bulletin mula sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), namataan ang bagyo sa layong 1,995 kilometro ng Silangan ng Gitnang Luzon, sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na hanggang 185 kilometro kada oras at kumikilos patungong Hilagang-Kanluran.

Tinataya ng PAGASA na bukas ng umaga ay nasa layong 1,875 kilometro ng dulong Hilagang Luzon ang bagyo.

Sa Lunes naman inaasahang papasok ng PAR ang bagyo subalit maliit ang tsansa na tumama sa lupa. (Jeff Gallos)