Manila, Philippines – Umaabot sa halagang P47.6 milyon na high grade shabu ang nakumpiska sa isang 29-anyos na big time pusher ng pinagsanib na puwersa ng Regional Drug Enforcement Unit ng National Capital Region Police Office at Station Drug Enforcement Unit ng Manila Police District-Station 6 sa San Andres Bukid, Maynila, kaninang madaling araw.
Kinilala ni MPD director, Chief Supt. Rolando Anduyan ang suspek na Joshir Dela Cruz Bernardo, residente ng Onyx St., San Andres, Bukid na naaresto dakong alas- 4 ng madaling araw.
Nakumpiska rin kay Bernardo ang kanyang cellphone na umano’y naglalaman ng impormasyon ng kanyang mga kasamahan sa isang sindikato at mga personalidad na pinagbebentahan nila ng droga.
Ayon naman kay MPD Public Information Office chief, Supt. Erwin Margarejo, nagkasa ng buy-bust operation ang grupo ni C/Insp. Fedinand Mendoza ng RDEU at Senior Insp. Alfredo Tan ng SDEU para sa target na si Bernardo at nagkasundo na makikipagkita ito sa poseur-buyer sa isang lugar sa Makati City.
Gayunman, naunsyami ang transaksyon kaya nagkasundo sa Aviadores corner Depenido St., sa San Andres, Bukid na lamang magkita.
Sa nabanggit na oras, lumutang sa nasabing lugar ang suspek at sa puntong magpapalitan na ng shabu at pera na bayad sa item ay nagsilutangan na ang mga operatiba at inaresto ang suspek at sinamsam ang dala nito na mahigit kumulang 7 kilo ng shabu.
Si Bernardo ay tauhan umano ng drug lord na si Loloy Hernandez na ngayon ay nakakulong na rin makaraang mahuli kamakailan. Hindi lamang umano sa Metro Manila umiikot ang nasabing grupo kundi sila rin ang nasa likod ng malawakang drug trade sa bahagi ng Southern Tagalog Region.
Nakakulong na sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang suspek habang inihahanda ang mga dokumento para sa inquest proceedings. (Jocelyn Tabangcura-Domenden )

Sinuri nina PNP Chief Oscar Albayalde at NCRPO Chief Regional Director PCSupt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang 7 kilong shabu na nagkakahalaga P47.6-million na nakuha sa buy-bust operations sa San Andres Bukid, Manila kung saan naaresto si Joshir Dela Cruz. Kuha ni Jun Mestica

REMATE FILE PHOTO | JUN MESTICA

REMATE FILE PHOTO | JUN MESTICA