PITX: Halos 170K arawang pasahero ngayong Christmas week, inaasahan

PITX: Halos 170K arawang pasahero ngayong Christmas week, inaasahan

December 20, 2022 @ 3:36 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Aabot sa 170,000 daily passengers ang inaasahang pupunta sa Parañaque Integrated Terminal Exchange ngayong Christmas week, ayon kay Corporate Affairs and Government Relations chief Jason Salvador nitong Martes.

Sa televised public briefing, sinabi ni Salvador na nakapagtala sila ng halos 168,000 pasahero sa PITX nitong Sabado.

Inaasahan na nila ang bilang na ito dahil pumalo na ang average number ng daily passengers sa PITX sa mga nakaraang buwan sa 140,000, dagdag niya.

“Ang estimate natin nitong Christmas week ay talagang mag-a-average tayo ng 160,000 to 170,000 passengers per day kaya naman puspusan ang ating paghahanda dito,” ayon kay Salvador.

Sa kasagsagan ng Christmas rush, inihayag ni Salvador na nakipag-ugnayan na sila sa Department of Transportation at sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board upang tiyakin na sapat ang public utility vehicles para sa landport passengers.

Tiniyak din ng LTFRB na mag-iisyu ito ng special permits sa PUVs sakaling kailanganin.

Gayundin, inihayag ni Salvador na nagtalaga na ng Philippine National Police personnel sa PITX upang tiyakin ang kaayusan dito.

Umapela naman siya sa publiko na limitahan ang kanilang bagahe.

Binabantayan din umano ng PITX management kung mayroong mga kaso ng overcharging ngayong holiday rush.

Sinumang mapatunayan na nagsasagwa nito ay iuulat sa LTFRB na maaaring maging sanhi ng kanselasyon ng prangkisa, babala niya. RNT/SA