Plaka ng sasakyang ginamit sa Aparri VM ambush, nakaw – PNP

Plaka ng sasakyang ginamit sa Aparri VM ambush, nakaw – PNP

February 21, 2023 @ 3:13 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Nakaw lamang ang plaka ng sasakyan na hinihinalang ginamit sa pananambang kay Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda at lima pa sa Bagabag, Nueva Vizcaya nitong Linggo, ayon sa mga pulis.

Batay sa ulat, inaalam pa ng Special Investigation Task Group (SITG) ang impormasyon tungkol sa sasakyan na natagpuang sunog sa Solano.

“Sa ngayon po ay ongoing yung verification sa [Scene of the Crime Operatives]. Kinuha nila yung chassis number at engine number,” pahayag ni Bagabag Police chief Police Major Oscar Abrogena.

“Yun po pwedeng nating makuha para ma-verify sa [Land Transportation Office] kung kanino nakapangalan yung sasakyan,” dagdag niya.

Nitong Lunes, sinabi ni Philippine National Police (PNP) public information chief Police Colonel Redrico Maranan na inisyu ang license plate ng sasakyan sa sirang sasakyan na kasalukuyang nasa compound ng Nueva Vizcaya State University.

Sinabi pa ng PNP na naiulat na nakasuot ang mga suspek ng police uniform.

Napatay si Alameda at lima pa nang tambangan ang kanilang van ng gunmen sa Bagabag, Nueva Vizcaya nitong Linggo.

Kinilala ang iba pang biktima na sina Alexander Agustin Delos Angeles, Alvin Dela Cruz Abel, Abraham Dela Cruz Ramos, John Duane Banag Almeda, at Ismael Nanay. RNT/SA