Planong 450K-MT import sa asukal suportado ng sugar producers

Planong 450K-MT import sa asukal suportado ng sugar producers

January 19, 2023 @ 4:02 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Suportado ng United Sugar Producers Federation (UNIFED) ang plano ng pamahalaan na mag-angkat ng 450,000 metriko tonelada ng refined sugar bilang buffer stock.

“We are fully supporting the decision of President Ferdinand Marcos Jr. to import refined sugar that will hopefully arrest runaway retail prices,” pahayag ni Manuel Lamata, pangulo ng UNIFED.

Nitong Miyerkules, Enero 18 ay inanunsyo ng mga opisyal mula sa Sugar Regulatory Administration (SRA) at Department of Agriculture (DA) ang plano na mag-import ng 400,000 hanggang 500,000 metric tons ng asukal bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siguruhin ang dalawang buwan na buffer stock.

Ani Lamata, ang proposed volume ay katanggap-tanggap naman, ito ay sa kabila ng spekulasyon na maaaring magkaroon ng shortage sa pagtatapos ng milling season.

Nanawagan din siya sa SRA na ayusing mabuti ang paglalabas ng mga imported na asukal upang hindi naman maapektuhan ang mga local sugar farmers.

Sinabi naman ni DA spokesperson Rex Estoperez na isinasapinal na ng pamahalaan ang procurement at pagsasagawa ng planong sugar importation. RNT/JGC